Home METRO Pamamaril-patay sa dalawang pulis, jail employee sa Palawan masusing iniimbestigahan

Pamamaril-patay sa dalawang pulis, jail employee sa Palawan masusing iniimbestigahan

123
0

MANILA, Philippines — Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang pamamaril noong Biyernes Santo sa Puerto Princesa City, Palawan na ikinasawi ng dalawang pulis at isang jail employee.

Ayon kay Mimaropa regional police chief Brig. Gen. Jovencio Badua Jr., nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa insidente na naganap sa Zone 13, Barangay Irawan.

Bumuo na rin ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ng Special Investigation Task Group upang tutukan ang kaso.

Tiniyak ni Badua na magiging propesyonal at patas ang imbestigasyon at susundin ang due process.

“We will leave no stone unturned in this investigation… ensuring that justice is served,” ani Badua.

Kinilala ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeants Ryan Cris Cabaña at Jayson Fernandez, kapwa nakatalaga sa Puerto Princesa City Police Station 2, at si Jerson Ojario Talon ng Bureau of Corrections.

Batay sa paunang ulat, nagkaroon umano ng alitan sa pagitan ng isang pulis at isang hindi pa nakikilalang indibidwal habang may lamay sa lugar.

Umalis umano ang pulis at bumalik kasama ang backup, na nauwi sa panibagong komprontasyon at kalaunan ay sa pamamaril.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pulisya sa mga pamilya ng mga nasawi at hinikayat ang publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalagang impormasyon.

Tiniyak din ng PPCPO na lahat ng hakbang ay isinasagawa upang mapanagot ang mga responsable sa krimen. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here