MANILA – Patuloy ang pag-angat ng PAMILYA KO Party-list, na ngayon ay kabilang na sa Top 15 ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research nitong Abril 2025. Umakyat sa ika-12 puwesto ang grupo—isang indikasyon na lumalakas ang tsansa nitong makapasok sa Kongreso sa darating na halalan.
Ang momentum ng PAMILYA KO ay ibinabandera ng adbokasiyang nagsusulong ng karapatan ng non-traditional families—mga pamilyang madalas ay naiiwan sa mga diskurso ng batas at lipunan.
Kabilang sa kanilang mga tinutulungan ay:
-Mga single parent,
-Blended families,
-LGBTQIA+ couples,
-Mga adoptive families,
– At mga lolo’t lola na nagsisilbing pangunahing tagapag-alaga ng mga anak ng OFW.
Ayon sa PAMILYA KO, panahon na upang kilalanin ang mga ito bilang lehitimong yunit ng lipunan na karapat-dapat sa proteksyon ng batas.
Ilan sa kanilang pangunahing legislative agenda ay:
-Pantay-pantay na karapatan sa mana para sa lahat ng anak, anuman ang estado ng kasal ng mga magulang;
-Legal na pagkilala sa domestic partnerships, kabilang ang LGBTQIA+ unions;
-Pagbuo ng pambansang balangkas para sa surrogacy na magtatanggol sa mga magulang at surrogate mothers;
-Trauma counseling at mental health support para sa mga hiwalay na pamilya;
-Programang pangkabuhayan at legal na guardianship para sa mga lolo’t lola na kumakalinga sa mga anak ng OFW.
Ang kredibilidad ng PAMILYA KO ay higit pang pinatitibay ng kanilang mga nominado—mga lider na may personal na karanasan sa mga isyung kanilang isinusulong.
“Nakatayo ang aming plataporma sa Tunay na Representasyon, May Puso, at May Isang Salita,” ayon kay Atty. Anel Diaz, pangunahing nominado ng PAMILYA KO. “Totoong bahagi ng lipunan ang mga hindi tradisyunal na pamilya. Panahon na para kilalanin at protektahan sila ng batas.”
Kabilang sa mga sumusuporta sa adbokasiya ng grupo ay ang aktres na si Sunshine Cruz, na nagsabing isa rin siyang kinatawan ng sektor.
“Single parent ako. Mag-isa kong binubuhay ang dalawang anak ko. Napakahirap. Karapatan din nating magkaroon ng boses sa Kongreso,” aniya.
Para kay Atty. Diaz, ang lumalawak na suporta para sa PAMILYA KO ay patunay ng pag-usbong ng isang makabagong pananaw: na sa isang makatao at inklusibong lipunan, wala dapat maiwang pamilya. RNT