“Lalu tayong maging pursigido sa pangangampanya, saka na tayo magpahinga after May 12.”
Ito ang sinambit ni Atty. Anel Diaz, ang 1st nominee ng Pamilya Ko Partylist (PKP), kung saan wala umano silang plano na magpaka-kampante sa pangangampanya lalu na’t painit na ng painit ang nalalapit na halalan.
Ayon kay Atty. Diaz, lalung pinasigla ng resulta ng mga surveys ang kanilang grupo kaya’t puspusan na ang ginagawa nilang pangangampanya lalu na sa nalalabing tatlong linggo na lamang, pagkaraan ng Semana Santa.
“Hindi dapat na maging complacent tayo kundi lalu tayong maging pursigido sa pangangampanya, lalu na kumbaga, papasok na tayo sa last two minutes, saka na tayo magpahinga after May 12,” pahayag ni Diaz sa isang panayam.
“Dapat, mas lalu tayong mag-double time kasi pag gumanda ang numbers natin, ang next stage niyan, to make sure ma-keep natin yan na hindi bababa, dapat ang trajectory natin ay paakyat so in fact nakakadagdag ng pressure pa yun,” dagdag pa niya.
Nabatid kay Diaz na nakapag-ikot na sila sa 15-probinsiya sa Luzon, Visayas, at Mindanao bagama’t matapos aniya ang Semana Santa, muli nilang susuyurin ang mga malalaking lalawigan sa Mindanao simula Abril 22.
Nagpasalamat naman ang nasabing partylist sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga lokal na opisyal ng mga napuntahan nilang mga bayan at lungsod sa iba’t-ibang rehiyon bagama’t hindi nila inaasahan na makukuha ang buong suporta ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan lalu na’t may mga regional partylist na tumatakbo sa kani-kanilang lugar.
Ayon kay Diaz, malaking bagay na sa kanilang grupo na pinapayagan silang mangampanya at maipahayag sa mga tao na kanilang nasasakupan ang kanilang plataporma.
“Ang mahalaga sa amin, they keep it on open playing field, kung baga, hindi naman po kami pinapahirapan, they welcome us at pinapayagan kaming mangampanya at ipahayag sa mga tao ang aming plataporma,” ani Atty Diaz. RNT