Home HOME BANNER STORY Pamumuhay sa katabing-probinsya, mas mahal kaysa NCR – Revilla

Pamumuhay sa katabing-probinsya, mas mahal kaysa NCR – Revilla

271
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni House Committee on Labor and Employment Chairperson at Cavite Rep. Jolo Revilla na pag-aralan ang pagtaas ng minimum wage ng mga manggagawa sa labas ng Metro Manila, kasabay ng datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mas mataas ang antas ng kahirapan sa mga lalawigan.

Giit niya, karaniwang nararanasan ang mas mataas na poverty thresholds sa Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal kumpara sa National Capital Region.

“The cost of basic survival is actually more expensive outside the capital,” pahayag ni Revilla.

Tinukoy nito ang PSA report noong 2023 na nagsasabing ang Annual Per Capita Poverty Threshold sa Metro Manila ay ₱37,711, habang sa Bulacan ay ₱39,202; Cavite, ₱39,165; Laguna, ₱38,492; at Rizal, ₱39,055.

“These translate to monthly survival thresholds for a family of four ranging from ₱12,831 to ₱13,131—all higher than NCR’s ₱12,570.31,” paliwanag ni Revilla.

“Marami ang naniniwala na ang Maynila ang pinakamahal tirhan, pero ayon sa opisyal na datos ng PSA, mas mataas na ang gastos ng pamumuhay sa Cavite, Laguna, Bulacan, at Rizal kaysa sa NCR. Ibig sabihin, kahit mas mataas ang sahod sa Maynila, mas nahihirapan ang mga manggagawa sa labas ng NCR,” dagdag pa nito.

Sa public hearing ng House Committee on Labor and Employment, sinabi ni Revilla na dapat kumilos na ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) upang aksyunan ang mga nakabinbing wage hike petitions.

“Kung minsan, isang traffic light lang ang pagitan o isang tulay lang ang border ng Metro Manila at Cavite o Bulacan — pero magkaiba na agad ang minimum wage. That doesn’t make sense. You have two people doing the same work, spending on the same goods, but receiving different pay just because of geography,” paliwanag nito.

Tinalakay ng komite ang mga nakabinbing panukala na nagsusulong na ayusin ang sahod ng mga manggagawa at gawin itong angkop sa lugar kung saan sila nakatira.

“Kung ang sahod ay hindi sumasapat para abutin ang poverty threshold ng isang pamilya, then the wage is not livable. And if it’s not livable, it must be reformed. This is the heart of our call for regional wage justice,” pahayag ni Revilla.

Tiniyak ni Revilla na gagawin ng kanyang komite ang lahat upang magkaroon ng patas na sahod hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang mga lalawigan. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here