MANILA, Philippines – PINAGSASAKSAK ng isang lolo hanggang sa tuluyan nang hindi magising sa pagkakatulog ang isang panadero na hinihinalang matagal nang alitan ang motibo ng pamamaslang nitong Sabado, Abril 5 sa Sitio Aringit, Barangay Hagonghon, Buenavista, Quezon.
Ang biktima na kaagad na binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente makaraang magtamo ng mga sugat sa ibat-ibang parte ng katawan na si Alyas Noel 43, baker, naninirahan sa nabanggit na lalawigan.
Samantalang, ang suspek na mabilis na naaresto at pansamantalang nakapiit sa Buenavista Police Station ay kinilala sa alyas na Jaime, 80, may-asawa, magsasaka, tubong-Palanas, Masbate at residente ng Barangay Hagonghon, Buenavista, Quezon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naganap na krimen, dakong alas-6:00 ng umaga habang ang biktima na mahimbing na natutulog sa labas ng bahay nito nang biglang dumating ang suspek na armado ng bolo at walang sabi-sabing inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima hanggang sa tuluyan na itong bawian ng buhay.
Napag-alaman na, ang biktima at suspek ay dati na umanong mayroong hindi pagkakaunawaan na humantong sa matagal nang alitan na nauwi sa pamamaslang sa biktima kung saan ang suspek ay nahaharap sa kasong murder. Ellen Apostol