MANILA, Philippines- Bumuo ng investigative team ang Department of Education (DepEd) upang imbestigahan ang kaso ng isang gurong nanakit sa tatlong Grade 9 students sa Lubao, Pampanga, ayon sa opisyal nitong Huwebes.
Sa video na kuha ng isa pang estudyante sa loob ng silid-aralan na kumalat sa social media nitong Martes, makikitang sinasampal ng guro ang mga estudyante.
“So ‘yong acting regional director po ay nakapag-issue na ng order to form a fact-finding team, in fact pinapa-fast track po natin ‘yan,” giit ni DepEd Undersecretary Michael Poa sa isang panayam.
Dagdag ng opisyal, humingi na ng paumanhin ang guro matapos ang insidente at nakausap na rin ng division office ang mga magulang ng mga mag-aaral.
Kasalukuyan ding naka-leave ang guro.
“[A]ng pagkakaalam ko po nag-apologize yung teacher but even then may investigation na tayo na ginagawa napa-fast track na nga po natin, at tututukan po yan ng central office,” patuloy niya.
“Sabihan na natin ang publiko that we really need also to afford due process sa teacher para makapag-explain kung bakit nangyari ang ganyang insidente,” wika pa ni Poa. RNT/SA