MANILA, Philippines -Naniniwala ang dalawang mataas na lider ng Kamara na ang naging resulta ng Social Weather Station (SWS) survey na nagpapakita na mas maraming Pilipino ang pabor sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay nagpapatingkad sa panawagan para sa pananagutan at transparency sa pamamahala.
Kapwa sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales at Deputy Speaker David Suarez na ang resulta ng survey ay pagpapahayag din ng publiko na dapat ipaliwanag ni Duterte kung paano nito ginastos ang milyon-milyong confidential funds.
Ang survey ay ginawa mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024, at mayroong 2,160 respondents. Batay sa resulta nito, 41% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa impeachment laban sa Bise Presidente, 35% ang tutol at 19% ang wala pang desisyon.
Ipinakikita rin umano ng survey ang pagnanais ng publiko na magkaroon ng wastong pamamahala sa bansa.
“This sends a clear message: Filipinos demand leaders who are accountable and transparent in their actions.” ani Suarez.
Binigyan-diin naman ni Gonzalez na ipinakikita rin ng survey ang kahalagahan ng malakas na demokratikong institusyon.
“The survey results confirm that our democratic institutions must remain responsive to the people’s will. This is not just about numbers anymore; it is about restoring faith in governance,” ani Gonzales.
“It clearly shows that Filipinos are against a leadership that does not explain controversies and are seeking leaders who adhere to ethical standards in governance,” saad pa nito.
Ayon kay Suarez ang inihaing impeachment complaint laban kay Duterte ay repleksyon ng pagnanais ng publiko na magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno.
Ipinunto ng dalawang mambabatas ang kahalagahan na mapagtuunan ng pansin ang mga alegasyon laban kay Duterte upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa goyerno.
“The people deserve answers. Let us not allow controversies like these to undermine our democracy,” pagtatapos pa ni Suarez. Gail Mendoza