Home NATIONWIDE Panawagang pagbibitiw nina PBBM, VP Sara pinaghahandaan sa Luneta rally vs korapsyon

Panawagang pagbibitiw nina PBBM, VP Sara pinaghahandaan sa Luneta rally vs korapsyon

293
0

MANILA, Philippines — Abala na ang mga militanteng grupo sa paghahanda para sa malaking kilos-protesta laban sa korapsyon na gaganapin sa Luneta sa Nobyembre 30, kung saan direkta na nilang hihilingin ang pagbibitiw nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Nauna nang nanawagan ng resignation ang mga grupong kaalyado ng pamilya Duterte sa mga pagtitipon noong Setyembre 21, at sa magkakahiwalay na rally ng Iglesia ni Cristo at United People’s Initiative nitong Nobyembre 16 at 17.

“Wala ho tayo ise-censor kaya welcome ho ang lahat ng Pilipino na galit sa korapsyon na naghahabol ng pagpapanagot at nais ng pagbabago sa sistema,” ayon kay Teddy Casiño, chair ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Nagsimula na ring manawagan ng pagbibitiw ng dalawang opisyal ang mga grupong maka-kaliwang kaalyado ng Bayan, sa gitna ng magkakahiwalay na alegasyon ng katiwalian laban kina Marcos at Duterte.

Kamakailan, naglabas ng unity statement ang mga lider-estudyante mula sa walong unibersidad sa Metro Manila na nananawagan din ng resignation dahil umano sa “systemic corruption, repression, and state neglect.”

“These past days have only revealed what we’ve long known… President Marcos Jr. and Vice President Duterte are the chief architects of corruption,” saad ng mga student council leaders.

Ipinanukala na rin ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) ang pagbuo ng isang transitional council sakaling matanggal sa puwesto ang dalawang opisyal.

Ayon kay Makabayan president Liza Maza, bibigyan nito ng representasyon ang mga sektor na “walang boses” gaya ng manggagawa, magsasaka at katutubo.

May kapangyarihan umano ang transitional council na magsagawa ng imbestigasyon at gumawa ng agarang patakaran “labas sa Kongreso,” ayon kay Casiño, na nagsabing posible ring masuspinde ang Kongreso dahil umano sa lawak ng korapsyon.

Suportado ng Makabayan ang pagsunod sa line of succession kung saan papalit si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ngunit iginiit na hindi malulutas ang problema ng bansa “kung pareho pa rin ang mga kongresista, senador at uri ng halalan.”

Hindi pa sinasang-ayunan ng iba pang grupo sa labas ng national democratic movement ang panawagan para sa transitional council o sa pagbibitiw ng dalawang mataas na opisyal.

Inaasahang magsisimula ang kilos-protesta sa Luneta dakong 9 a.m. at magtatagal hanggang tanghali. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here