MANILA, Philippines — Iginiit ni lawyer Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na hindi niya itinuturing na kailangang sagutin palagi si Palace Undersecretary Claire Castro sa kabila ng madalas nitong pagbatikos sa Bise Presidente at mga kaalyado nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Panelo na hindi umano napag-usapan ni Duterte si Castro nang kunin siya bilang bahagi ng communications team ng Bise Presidente.
“Hindi namin napag-usapan at all si Usec Claire Castro. So I think it’s a non-factor,” ani Panelo.
Sinabi rin niya na kaya niyang tapatan ang agresibong estilo ni Castro ngunit hindi niya nakikitang kailangang patulan ang bawat pahayag nito.
“In other words, I don’t take her seriously. I don’t see it as a need for me to address what she says all the time,” aniya.
Tinuligsa rin ni Panelo ang paraan ng pakikipagkomunikasyon ni Castro, na inihalintulad niya sa isang “troll,” at sinabing maaari umano itong makadagdag sa kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan. Santi Celario