MANILA, Philippines — Makikipag-ugnayan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa mga awtoridad ng France at European Union kaugnay ng paghahanap kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at upang alamin ang sitwasyon ni Sen. Loren Legarda.
Sinabi ni Remulla na nais niyang makausap ang French authorities at Philippine Embassy sa France bilang bahagi ng diplomatic coordination ng pamahalaan. Nauna na rin umano siyang sumulat kay French Ambassador to the Philippines Donatienne Hissard upang magtakda ng pulong.
Walang extradition treaty ang Pilipinas at France, ngunit sinabi ni Remulla na hindi nito awtomatikong hinahadlangan ang gobyerno sa paghahanap ng ibang legal at diplomatic avenues. Nauna na niyang sinabi noong Setyembre 7 na plano niyang makipag-usap sa French authorities tungkol kina Co at Legarda.
May warrant of arrest si Co mula sa Sandiganbayan kaugnay ng plunder case na isinampa ng Ombudsman sa umano’y kickback scheme sa flood control projects.
Hiwalay namang iniimbestigahan ng Ombudsman si Legarda at anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste kaugnay ng mga alegasyon sa solar energy projects. Kapwa nila itinanggi ang mga paratang.
Nilinaw ni Remulla na ang planong pakikipagpulong sa French at European authorities ay hindi nangangahulugang agad na maibabalik sa Pilipinas sina Co o Legarda.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hiwalay niyang tututukan sa France ang kahilingan ng Pilipinas sa Interpol para sa red notice laban kay Co. Dave Medina