Home METRO Pang-aabuso sa pusa ng mga estudyante sa Tarlac, kinondena

Pang-aabuso sa pusa ng mga estudyante sa Tarlac, kinondena

173
0

TARLAC, Philippines – Viral ngayon sa social media ang video ng isang grupo ng high school students sa Concepcion, Tarlac na umano’y nang-aabuso sa mga pusang gala, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa netizens, lokal na opisyal, at mga animal welfare groups.

Sa video, makikita ang dalawang batang lalaki na inilalagay ang mga pusa sa sako at tila inaalog ito. May babae rin na makikitang paulit-ulit na sinisipa ang sako, habang isa sa mga lalaki ay pinapalo umano ang pusa gamit ang tsinelas.

Ayon sa isang concerned citizen, isa sa apat na pusa ang nailigtas niya, habang patuloy na hinahanap ng Bataan Animal Welfare ang iba pa, na ilan ay sinasabing buntis.

Kinondena ng Animal Kingdom Foundation (AKF) ang insidente.
“We condemned this act as an act of cruelty and it’s really very concerning on our part kasi one, it has been committed by minors,” ayon kay AKF President Heidi Marquez-Caguioa.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa dumaraming insidente ng animal cruelty na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

“Nakakabahala kasi these are committed by minors na halata na kulang sa guidance and wala na rin moral compass kasi nananahimik lang yung pusa tapos yun lang yung naisip nila na gawin either for fun or for content,” ayon kay PAWS Executive Director Anna Cabrera.

Kinondena rin ng Benigno S. Aquino National High School ang ginawa ng mga estudyante at sinabing nakipag-ugnayan na ito sa mga magulang para sa counseling at guidance.

“As an institution committed to promoting the values of respect, compassion, and responsible citizenship, we do not tolerate any form of violence or harm to animals or any living being,” ayon sa paaralan.

Iginiit ng PAWS na dapat isama ang humane treatment of animals sa school education at student handbooks upang maiwasan ang ganitong insidente.

Samantala, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Concepcion na nakikipag-ugnayan ito sa mga kinauukulang ahensya para sa angkop na aksyon, at nanawagan sa publiko na huwag magpakalat ng online harassment laban sa mga menor de edad na sangkot.

“Let us instead use this incident as an opportunity to reinforce awareness on animal welfare and responsible citizenship,” ayon sa LGU. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here