Home NATIONWIDE Pangangailangan na ipabatid sa publiko ang budget proposal, iginiit ni VP Sara

Pangangailangan na ipabatid sa publiko ang budget proposal, iginiit ni VP Sara

BINIGYANG-DIIN ni Vice President Sara Duterte ang pangangailangan na ipaalam ang ‘spending plans’ sa publiko sa gitna ng mga pagbatikos matapos tanggihan nitong idepensa ang P2.037 billion proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Napakahalaga sa akin na malaman ng taong bayan ang Office of the Vice President budget proposal,” ayon kay VP Sara.

“Kaya nga bago kami pumunta sa Senate, bago kami pumunta sa House ay pinublish namin ‘yung budget proposal namin sa aming website sa Office of the Vice President, sa social media platforms namin, ginawa namin siyang madaling intindihin ng taumbayan,” dagdag na wika nito.

Nito lamang Agosto 20, pinost ng OVP ang panukalang budget breakdown para sa fiscal year 2025, tinukoy ang 87.98% ng panukalang alokasyon para sa mga programa at proyekto.

Kabilang dito ang majority ng target allocation para sa financial assistance at subsidies na nagkakahalaga ng P947.5 million para sa ‘medical, burial, at educational assistance at maging ang Mag Negosyo Ta ‘Day program; P401.2 million para sa ‘supplies at materials’ o welfare goods para sa PagbaBAGo campaign, Disaster operations, R.I.C.E. program, Kalusugan food truck, Pansarap program, wheelchairs, at fuel para sa Libreng Sakay, bukod sa iba pa; at P443.71 million para sa Central and satellite offices rent, utilities, maintenance, at support expenses para sa operations.

Ang natitirang 12.02% sa kabilang dako ay inilaan para sa personnel services, equipment at behikulo ng OVP.

Ang katuwiran ni VP Sara sa pagtanggi nito na idepensa ang panukalang budget sa isinagawang Aug. 27 hearing, di umano’y dahil may ilang mambabatas ang sinasamantala ang oportunidad na maglunsad ng kanilang political attacks laban sa kanya.

“Nakikita namin na ginagamit siya ng ibang mga miyembro, iilan na mga miyembro ng Kongreso para umatake sa akin dahil hindi kami magkasama sa pulitika,” ayon kay VP Sara.

Pinalagan naman ni VP Sara ang pagtawag sa kanya na “spoiled brat” matapos na hayaan nito ang tsansa na idepensa ang budget sa ‘question-and-answer format.’

Aniya, sanay na aniya siyang sumagot sa iba’t ibang usapin maging sa ambush interviews o o unarranged interviews, para sa kaalaman ng publiko.

“Sanay ako sa ganyan, at alam ng taong bbayan na hindi ako bratinella o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa, simula ng ako ay mayor pa hanggang naging Vice President ako,” lahad nito. Kris Jose