MALAKI, compacted at damang-dama ng mga nasa paligid ang malakas na vibration nito habang umaandar dahil sa kargang chemical liquid o compressed gas. Ito ang mga chemical tanker truck na bumibiyahe mula sa mga pabrika o port area papunta sa malapit at malalayong lugar ng ating bansa.
Ang isang malaking tanong, ano ang kasiguruhang laging ligtas ang driver, pahinante at ang publiko sa bawat biyahe nito?
Nabalita kamakailan ang aksidenteng idinulot ng pagbibiyahe ng ilang truck sa Kamaynilaan, Rizal, Laguna at ibang pang probinsiya. Mabuti na lamang at wala pa tayong nababalitaang malubhang chemical spill o leak maliban sa isang kaso ng minor leakage dulot ng chemical tanker truck na tumagilid sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Manila. Wala namang naiulat na nasugatan o nalason ng kemikal sa pangyayaring ito.
Ang mga ganitong mabibigat na tanker ay nagkakarga ng flammable, corrosive, toxic, o reactive na kemikal na kapag nasangkot sa aksidente ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala sa tao, ari-arian, at kapaligiran.
Dito dapat pumasok ang pangangailangan sa chemical tanker truck safety. Totoo namang responsibilidad ito ng driver, pahinante o may-ari ng trak pero dapat ding mapag-usapan ang role ng regulators, enforcers at local government unit kung sakaling mangyari ang secondary accident na chemical release dulot ng road crash.
Unang-una kasing tatamaan ang driver, pahinante at mga taong nasa paligid ng aksidente sa epektong idudulot nang tumapong kemikal. Maaari ring mapahamak ang fire volunteers, medical emergency team, barangay rescue team at komunidad lalo na ang mga usisero.
Isang kritikal na bahagi ng kaligtasan ay ang maayos at malinaw na emergency plan. Dapat may kasanayan ang drayber at ang pahinante kung ano ang gagawin sakaling magkaroon ng tagas, pagtaob ng tanker, sunog, o banggaan. Kabilang dito ang agarang pag-secure ng lugar, tamang pag-report sa awtoridad at koordinasyon sa fire brigade maliban sa pagtawag sa kanyang kompanya. Dapat ding equipped ang truck ng spill kit, containment system at personal protective equipment. Kapag walang malinaw na emergency plan, nauuwi sa kalituhan ang insidente—at ang ilang minutong pagkaantala ay maaaring magresulta sa mas malaking sakuna at pagkasira ng kalikasan.
Sa huli, ang chemical tanker truck safety ay usapin ng kahandaan. Ang kaligtasan ay hindi dapat inaantay—ito ay dapat pinaghahandaan.






