Home NATIONWIDE Pangasinan: Susunod na ‘top tourist haven’ ng bansa – Guico

Pangasinan: Susunod na ‘top tourist haven’ ng bansa – Guico

Pangasinan, Philippines – Hindi malayong maging isa sa mga pangunahing tourist destinations ng Pilipinas ang lalawigan ng Pangasinan dahil na rin sa kabi-kabilang imprastraktura na naisagawa at kasalukuyang isinasagawa pa ng administrasyon ni Governor Ramon ‘Mon-mon’ Guico III.

Isa rito ang 42.76-kilometer (Phase 1 Binalonan-Lingayen) Pangasinan Link Expressway (PLEX) na naging napakamahalagang proyekto ng administrasyong Guico at siyang magdudugtong sa mga pangunahing lugar sa probinsya at mga karatig-lugar nito kung saan magiging malaking kabawasan sa oras ng pagbyahe kapag ito ay naging bukas na sa publiko.

“Sadyang eto naman ang ating pangarap, ang maging isang pangunahing tourist destination ng bansa ang ating mahal na probinsya at hindi malayong mangyayari ito dahil patuloy ang ating pagpapatayo ng maraming pasilidad para mas dayuhin ang ating lalawigan kasama na ang mga banyagang turista,” ani Guico.

Aniya, kahit sa maikling panahon o kulang pa sa tatlong taon ay kanya nang naipatayo ang maraming imprastraktura at proyektong pagpapaunlad dahil na rin sa solidong suporta ng mga mamamayan kasama ang mga opisyales sa mga lungsod, munisipalidad at barangay sa buong lalawigan.

”Marami pa tayong nakalinyang proyekto upang lalong maging ganap na top tourist attraction ang ating lalawigan subalit kulang ang isang termino upang maisagawa ang mga ito at kakayanin natin ito dahil lahat tayo ay nagkakaisa,” ani Guico na kasalukuyang tumatakbo para sa ikalawang termino sa darating na halalan sa May 12, 2025.

Nauna nang naisagawa ng administrasyong Guico ang pag-convert ng makasaysayang Casa Real bilang isang malaking museo ang Bańaan (Tagpuan) Provincial Museum; pagpapatayo ng multi-level parking sa Manaoag, Bolinao Airport at pinakamalaking Reflecting Pool and Interactive Fountain sa Lingayen; pagpapaganda at pangangalaga sa Malico, ang summer capital ng lalawigan; pag-develop ng isang malaking eco park sa bayan ng Bugallon; paggamit ng tinatawag na seaplanes sa mas mabilis na pagbyahe mula sa Manila patungo ng probinsya; at ang Laoac Dairy Farm.

Bukod pa rito, patuloy pa rin ang pag-angat sa bilang ng tourist arrival kumpara sa mga nagdaang taon at inaasahang mas tataas pa ang numero ng local at foreign tourists dahil na rin sa mga makabagong pasilidad at iba pang tourist attractions na lalong pinalalakas at pinagaganda ng pamahalaang panlalawigan.

Base sa rekord ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, lumalabas na may 8,685,980 na day tourists nitong nakaraang taon kumpara sa bilang na 5,597,867 noong 2022.

“Sa mahigit na 10-million na turista ang ngayo’y bumibisita sa mga pangunahing tourist destinations tulad ng Manaoag, Bolinao at Alaminos, masasabi nating naka-recover na tayo mula sa nagdaang COVID-19 pandemic at nanumbalik na ang sigla ng industriya ng turismo sa lalawigan,” giit ng gobernador.

Mas  inaasahan ang pagpasok ng mga turista sa lalawigan nitong summer months dahil na rin sa maraming attractions tulad ng town fiestas at ang dinadayong ’Pista’y Dayat (Sea Festival), ayon pa sa PTCAO.

Isinusulong ng administrasyong Guico ang pagpapatayo ng 11-storey Government Center and Tower at ang 1,500-seater Convention Center na parehong matatagpuan malapit sa Kapitolyo.

Nagkaroon din ng partnership ang pamahalaang panlalawigan sa Department of Tourism at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority para sa ginawang groundbreaking at pagpapatayo ng Pangasinan Tourism Rest Area.

Aniya, kapag naging operational na ang PLEX, ang dating limang oras na pagbyahe mula sa Manila patungong Hundred Islands sa Alaminos City at iba pang dinadayong beaches sa lalawigan ay magiging tatlong oras na lamang. RNT