
DUMALE na naman ang China, pero gaya ng dati, mahihirapan na naman ang mundo na paniwalaan ang iginigiit nitong ito raw ang naagrabyado. Ang huling pag-atake nito laban sa Pilipinas sa Scarborough Shoal, kung saan gumamit ng water cannons ang mga barko ng Chinese Coast Guard para sirain ang mga barko ng Pilipino, ay isang lantarang pagpa-power trip habang isinasantabi ang mga pandaigdigang kalakaran.
Ang Maynila, na taas-noong naninindigan sa karagatang teritoryo nito, ay nahaharap sa panggigipit at panghaharang ng mga barkong Chinese. Ang huling insidente nitong Martes, kasabay ng joint military exercises kasama ang Amerika at France, ay nagbibigay-diin sa agresibo, mapanganib, at naninindak ng digmaan na paninindigan ng China sa rehiyon.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nangyari ang komprontasyon nang binomba ng water cannons ng dalawang barko ng CCG ang mga barko ng Pilipinas na naghahatid ng mga supply sa mga Pilipinong mangingisda sa tradisyonal nilang pinangingisdaan na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Isipin n’yo, hindi ito ang unang beses na nagpasya ang mga barkong Chinese na kailangan na nilang gumamit ng puwersa laban sa mga lehitimong operasyon ng Pilipinas. Nasira na ng CCG ang ilang barko ng Pilipinas noon dahil sa hindi natitinag nilang polisiya na nagbabawal sa ating pumasok sa lugar.
Ang agresibong galawang ito ay hindi lamang isang ‘isolated incident’ kundi bahagi nang malawakang estratehiya ng China upang igiit ang kontrol sa South China Sea, balewalain ang mga pandaigdigang batas at polisiya na kumokontra sa pag-aangkin nila ng mga teritoryo.
Hindi na nakapagtatakang nagsasama-sama ang pandaigdigang komunidad upang manindigan laban sa pambu-bully ng China, lalo na kontra sa Pilipinas. Dapat matutuhan ni Xi Jinping, Presidente ng China, na gaya ng lahat ng bansa, maliit man o malaki, dapat na tratuhin ang Pilipinas nang disente at may respeto.
Bigas at Pagkagutom
Para mangako ang mismong Presidente na sisikapin niyang maibaba ang presyo ng bigas sa P25 kada kilo, hindi lamang ito nakadidismaya, kundi nakagugulat din.
Ang pagdami kamakailan ng nagugutom, kung saan 14.2% ng mga pamilyang Pilipino ay nakararanas nang hindi sinadyang pagkagutom, ay isang malaking dagok sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Ang bilang, may 1.6-point pagtaas simula noong Disyembre 2023, ay hindi lang sumasalamin sa ‘statistical trends’ kundi maging sa pagdurusa ng taumbayan sa nakalipas na dalawang taon ng kanyang pamumuno.
Sa kabila ng mga paggagarantiya ng kanyang napaganda ang puwestong pinsan na si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na gagawin daw prayoridad ang pag-amyenda sa “Rice Tariffication Law” upang mapababa ang presyo ng bigas, ang resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations tungkol sa dumadaming nagugutom ay walang kakurap-kurap na nakatitig sa atin ngayon mismo.
Matatagalan pa bago ang mga panukalang pagbabago na inaasahang magpabababa sa presyo ng bigas — sa pagpapahintulot sa gobyerno na direktang bilhin ang ani ng mga magsasaka at ibenta ang mga ito sa mas abot-kayang presyo kumpara sa nasa merkado — ay magkakaroon ng epekto sa atin, kung mayroon man.
* * *
SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.