Home OPINION WORKERS REHABILITATION CENTER COMPLEX PARA SA MANGGAGAWANG NAAKSIDENTE SA TRABAHO

WORKERS REHABILITATION CENTER COMPLEX PARA SA MANGGAGAWANG NAAKSIDENTE SA TRABAHO

Sa mandato ng pamahalaan na tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, naging matagumpay ang pagsasapubliko ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ng site development masterplan para sa pagtatatag ng rehabilitation center para sa mga manggagawang napinsala o nadisgrasya sa trabaho.

Sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong 1979, ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. ay naglaan ng P50 milyon para sa pagtatatag ng nasabing pasilidad.

Pagkalipas ng mahigit na 40 taon, naisakatuparan ng namayapa at dating Pangulo ang pagtatatag ng rehabilitation center para sa mga manggagawa sa pamamagitan ng kanyang anak, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Matatagpuan sa Barangay Cuyambay, Tanay, Rizal, ang pag­tatatag ng Workers Rehabilitation Center Complex ay pa­ngangasiwaan ng Employees’ Compensation Commission (ECC), isang ahensya na nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), na may mandato na magbigay ng kompensasyon at tulong para sa mga manggagawa sa publiko at pribadong sektor na naaksidente sa trabaho.

Ang Employees’ Compensation Program (ECP) ay isang prog­rama ng pamahalaan na naglalayong makatulong sa lahat ng manggagawang Pilipino na nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho.

Sa unang araw pa lamang nang pagtatrabaho ay sakop na ang isang manggagawa at kung naaksidente nang dahil sa trabaho ay makakatanggap na siya ng benepisyo sa ilalim ng EC program.

Nilalayon ng DOLE na sa pamamagitan ng itatayong rehab center ay makapagbigay ito ng “disability management at return-to-work program” para sa mga manggagawang nagkaroon ng kapansanan habang nagtatrabaho.

Kasama sa pasilidad ay ang mga sumusunod na serbisyo: medical rehabilitation (comprehensive at intensive treatment), physiotherapy, occupational therapy, sensory therapy, work hardening, industrial rehabilitation, prosthetic at orthotic, neuro-robotics at cybernetics, vocational rehabilitation, reskilling, upskilling, at tulong-pangkabuhayan.

Bukod sa rehab center, plano rin na tayuan ito ng hostel, sports arena, dispensary, worker’s training center, DOLE Convention Hall, pabahay sa ilalim ng DSHUD, agri-tourism center, pineapple plantation area, botanical garden at commercial complex.