MANILA, Philippines – KINASTIGO ng Malakanyang ang paglaganap ng “fake news” at “disinformation” ukol sa kalidad ng bigas na mabibili sa halagang P20 kada kilo.
Ito’y matapos na mag-viral ang isang video sa social media, nagpapakita ng di umano’y mahinang kalidad ng bigas na available sa publiko sa ilalim ng P20-per-kilo rice initiative ng gobyerno.
Winika ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinalalabas ng mga fake news peddlers na ang murang bigas ay parang o mukhang pagkain ng hayop.
“Meron po kaming pasabi na mag-ingat po na malamang ay may manabotahe sa proyekto pong ito ng Pangulo patungkol po sa PHP20 per kilo o kada kilo ng bigas,” ang sinabi ni Castro.
“Ang sinabi po natin ay baka meron na namang fake news peddlers na gumamit at pakita na ang mga bigas na ibebenta ay pang-hayop. Dahil ‘yun po ang sinabi ng Bise Presidente,” aniya pa rin.
Dahil dito, nagbabala si Castro sa publiko na mas marami pang fake news peddlers ang maglulutangan matapos na batikusin ni Vice President Sara Duterte ang pag-rollout ng P20-per-kilo na bigas sa Visayas.
Muling inulit nito na ang bigas na mabibili sa murang halaga ay iba’t ibang uri na kasalukuyang nabibili sa halagang P33 kada kilo.
“Mag-ingat po tayo sa fake news peddlers na sinisira ang proyekto, sinisira ang Pangulo, sinisira ang hope, ang pag-asa ng bawat Pilipino,” ang sinabi ni Castro.
“Hindi pa po nasisimulan ang paglabas ng bigas na ibebenta sa market at sa Kadiwa patungkol po dito sa proyeko. Hindi pa nga nakikita, wala pang nakikitang bigas na ibebenta, pinipintasan na pang-hayop,” aniya pa rin.
Samantala, para sa Malakanyang, fake news ang pinalulutang ni VP Sara na itinutulak ni Pangulong Marcos ang constitutional amendments.
Giit ni Castro, walang pag-uusap sa sinasabing planong amiyendahan ni Pangulong Marcos ang Saligang Batas.
“Wala pa po tayong nadidinig mula sa Pangulo kaya nagtataka po tayo kung bakit ganito po ang naging turan ni Bise Presidente. Sa ngayon po, tatak fake news iyan, intrigang walang ebidensiya. Wala pa pong napag-uusapan tungkol diyan,” ani Castro.
Tinuran ni Castro na walang pinag-usapan na plano na isulong ang charter change sa susunod na Kongreso.
“Wala pa pong napag-uusapan patungkol diyan,” ani Castro sabay sabing kung bakit binanggit ito ni VP Sara sa campaign sortie ay “Kung anuman po ang kaniyang adhikain at layunin sa mga ganitong klaseng pananalita, hindi po natin alam. Pero as far as we are concerned, tatak fake news.” Kris Jose