Home METRO Pantalan sa GenSan, bahagyang balik-operasyon matapos ng lindol

Pantalan sa GenSan, bahagyang balik-operasyon matapos ng lindol

1
0

GENERAL SANTOS, Philippines – Muling nagbukas ang Port of General Santos matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani at iba pang bahagi ng Mindanao noong nakaraang linggo, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).

Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, ligtas at matibay pa rin ang 201-linear meter Rail-Mounted Gantry (RMG) Wharf batay sa isinagawang structural inspections at engineering assessments. Dahil dito, pinayagan nang ipagpatuloy ang regular na pagdaong ng mga barko at cargo operations sa naturang pantalan.

Gayunman, nilinaw ng PPA na bahagyang pagbubukas pa lamang ito at hindi pa ganap na normal ang operasyon ng pantalan.

“While we are gradually restoring operations at the Port of General Santos, public safety remains the PPA’s top priority. The reopening of the RMG Wharf is based on the thorough assessment conducted by our engineers to ensure that it is safe for use,” ani Santiago.

Patuloy pa rin ang inspeksyon at pagkukumpuni sa iba pang pasilidad upang maibalik ang buong operasyon sa lalong madaling panahon nang hindi nalalagay sa panganib ang kaligtasan.

Mananatiling sarado ang Eastern Wharf at Western Wharf habang isinasagawa ang karagdagang pagsusuri at pagkukumpuni. Ang mga nasirang bahagi ng New Wharf Expansion ay mananatili ring may limitadong access.

Samantala, malubha ring napinsala ang North Gate Weigh Bridge at hindi pa maaaring gamitin. Bilang pansamantalang hakbang, ang Main Gate ang magsisilbing pangunahing daanan ng mga gumagamit ng pantalan.

Ayon sa PPA, tatanggapin ang mga barkong kasalukuyang nakaangkla batay sa first-come, first-served basis kapag natapos ang mga kinakailangang paghahanda. Patuloy din ang rehabilitasyon at monitoring sa lahat ng pasilidad bago tuluyang ibalik ang buong operasyon ng pantalan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here