MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na wala itong natatanggap na opisyal na komunikasyon o direktiba kaugnay ng mga umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., “As of this time, the PNP has not received any official communication, documentation or directive from any government agency regarding the alleged ICC warrants.”
Dagdag niya, dahil walang opisyal na dokumentong natatanggap ang PNP, wala ring inilabas na espesyal na utos para subaybayan o bantayan ang sinumang indibidwal na inuugnay sa mga naturang ulat.
Ang pahayag ay kasunod ng social media post ni Paolo ‘Pulong’ Duterte na nagsasabing may “highly reliable source” umano na nagsabing naglabas ang ICC ng warrant laban kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go at dalawang pulis.
Gayunman, sinabi rin nina Interior Secretary Jonvic Remulla at PNP public information chief Col. Allen Rae Co na wala silang natatanggap na pormal na abiso tungkol sa naturang warrant.
“We rely on formal processes and verified information, not speculation or social media posts,” diin ni Nartatez.
Sa ulat, binanggit na kinilala ng ICC si Bong Go bilang umano’y co-perpetrator sa crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands.
Nabanggit din sa kaso ang mga dating PNP chief na sina Oscar Albayalde at Vicente Danao bilang mga umano’y co-perpetrator. Samantala, kinumpirma ng ICC noong Mayo na naglabas ito ng arrest warrant laban kay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Ayon naman sa Malacañang, agad nitong ipatutupad ang anumang magiging susunod na ICC arrest warrant kung mayroon man. RNT/MND