MANILA, Philippines- Sa botong 217 pabor, pasado na sa huli at ikatlong pagbasa sa House of Representatives ang House Bill 10733 o ang pag amyenda sa Government Service Insurance System (GSIS) Act of 1997 upang payagan ang non-career service government employees na maipagpatuloy nang boluntaryo ang kanilang GSIS member contributions at makakakuha ng retirement benefits.
Kasama sa non-career service ang elective officials; mga kalihim at mga opisyal na may Cabinet rank; chairman at members ng commissions at boards, confidential staff at mga contractual, emergency at seasonal personnel.
Ayon kay House Committee on Government Enterprises and Privatization chairperson at Parañaque Rep. Edwin Olivarez, nakasaad sa batas na 15 taong government service ang kailangan bago makakuha ng retirement benefits mula sa GSIS subalit ang haba ng panahon na ito ay hindi naman napupuno ng mga elected government officials gayundin ng kanilang mga staff.
“It is only reasonable for these elected government officials who were not able to complete the 15-year requirement but were able to serve maximum terms of office to be given the option to make voluntary contributions to the GSIS for them to qualify for the monthly pension upon reaching the retirement age,” paliwanag ni Olivarez.
Sinabi ni Olivarez na sa oras na maisabatas ang panukala ay mabibigyan din ng pagkakataon ang non-career employees na nakapagsilbi sa gobyerno na makatanggap ng kanilang benepisyo.
Ang GSIS members ay karaniwang nakatatanggap ng social security benefits kabilang na ang life insurance at retirement packages. Kris Jose