MANILA, Philippines – Pasado na sa House Committee on Tourism ang panukalang tanggalin na ang sinisingil na travel tax.
Sa naging pagdinig ng House Committee on Tourism sa pamumuno ni Romblon Rep Eleandro Jesus Madrona ay inaprubahan nito ang 6 na panukala na nagsusulong na iabolish na ang travel tax pangunahin na dito ang House Bill (HB) No. 7443 na inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep Sandro Marcos.
Kasabay ng pag-apruba ay inatasan ni Madrona ang House Committee Secretariat na gawin ang committee report upang maisumite sa House Committee on Ways and Means at House Committee on Appropriations.
Sa oras na maaprubahan sa dalawang nabanggit na komite at ipapasa na ito sa House Plenary para sa deliberasyon.
Sa naging pagdinig tiniyak naman ni House Committee on Appropriations Chairman at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing na hahanapan ng paraan ng komite na matugunan ang mawawalang pondo dulot ng pag alis sa travel tax.
“Given the criticality of the funds, we will work together to ensure that those funds will remain available. We hear you. We understand the current structure, and we will craft a mechanism responsive to the needs of the different government agencies,” ani Suansing.
Ang nasisingil na travel tax ay pinakikinabangan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Nabatid mula kay TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid na 90 percent ng operating budget ng TIEZA ay nagmumula sa nakokolektang travel tax, aniya, nasa 300 sa 1,025 empleyado ng TIEZA ang maaapektuhan kung hindi mapapalitan ang pondo mula na kanilang nakukuha sa travel tax.
Sa panig ng CHED sinabi ni CHED Chair Shirley Agrupis na 85.6 percent ng pondo ng Higher Education Development Fund (HEDF) ay nanggagaling sa travel tax collections.
Samantala ang NCCA ay nakakakuha ng ₱600 million hanggang ₱700 million kada taon mula sa travel tax.
Ang kasalukuyang travel tax na sinisingil ay ₱2,700 sa first-class passengers at ₱1,620 sa economy travelers.
Samantala nilinaw ni Marcos, pangunahing may akda ng panukala, na hindi aabandonahin ang suporta sa TIEZA, CHED at NCCA, nilinaw nito na ang pagpopondo sa nasabing mga ahensya ay idadaan na sa General Appropriations Act.
Ang panukalang pag-abolish sa travel tax ay priority measure ng Marcos Administration.
Una nang sinabi ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, Chairman ng House Committee on Ways and Means na P8 Billion ang mawawalang kita sa oras na tanggalin ang travel subalit makalipas ang 18 buwan ay agad din itong mababawi ng gobyerno at kikita ng P22B Billion dala ng pagsila ng turismo. Gail Mendoza