Home NATIONWIDE PAO umapela sa desisyon ni Remulla na pagbasura sa Dengvaxia case

PAO umapela sa desisyon ni Remulla na pagbasura sa Dengvaxia case

MANILA, Philippines- Kinuwestyon ng Public Attorney’s Office (PAO) ang resolusyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na iurong ang kasong kriminal laban kay dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janet Garin at dalawang iba pang dating opisyal ng Health Department kaugnay sa pagkamatay ng 98 estudyante na tinurukan ng bakuna na Dengvaxia.

Nakasaad sa motion for reconsideration ng PAO na ang pagbawi sa mga kaso ay pagbalewala umano sa katotohanan na sabay-sabay na namatay ang mga biktima matapos mabakunahan at kahit nakatira ang mga biktima sa iba’t ibang lugar, ang lahat ay malinaw na nagpakita ng iisang pattern ng clinical manifestations.

“The leaking blood and deaths of the multiple victims are crying and shouting for justice and due care,” saad sa mosyon ng PAO.

Ang pagkamatay ng 170 bata at mga adult matapos bakunahan ng Dengvaxia ay sapat na umanong patunay.

“Respondents cannot evade the sword of justice and the rule of law through the present resolution of the DoJ,” dagdag ng PAO.

Iginiit ng PAO na ang umano’y pagpapabaya, pag-intindi sa hinaharap at kakulangan ng pag-alaala ay mga bagay na malinaw na pasok sa kasong reckless imprudence sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code

Sinabi ng PAO na bigo ang respondents na magsagawa ng surveillance at monitoring ng mga nabakunahan na batay sa Food and Drug Administration at ang vaccine maker na Sanofi Pasteur Inc.

Una nang ibinatay ni Remulla ang kanyang resolusyon sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO) at iba pang eksperto na nagsasabi na ang pagkamatay ng mga bata ay hindi maiuugnay sa naturang bakuna. Teresa Tavares