Home NATIONWIDE PAOCC nagbabala vs pagpapaupa ng mga property sa illegal POGOs

PAOCC nagbabala vs pagpapaupa ng mga property sa illegal POGOs

MANILA, Philippines- Maaaring mawala mula sa mga establishment owners ang kanilang mga property kung papayagan ng mga itong gamitin ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang kanilang mga ari-arian.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na itutulak ng organisasyon na ma-forfeit ang kanilang mga ari-arian.

“Medyo delikado po ‘yan para sa kanila baka mawala ‘yung property nila kasi pwede po namin file-an ng criminal forfeiture ‘yan kung talagang inallow nila na ipagamit ‘yung kanilang property or resort nila para sa mga ganitong activity,” ang sinabi ni Cruz.

Irerekomenda rin aniya ng PAOCC ang paghahain ng reklamo sa mga naaangkop na awtoridad laban sa mga nagmamay-ari na pumayag na rentahan ang kanilang establisimiyento para sa ilegal na operasyon ng POGO.

Samantala, sinabi ni Cruz na isa sa mga tagapagpahiwatig ng POGO operation ay ang presensya ng mga dayuhan at kapag ang residente ay hindi umalis sa bahay at makikitang aktibo sa loob ng 24 oras.

“Isa sa mga indicators is nag o-operate po sila gabi, madaling araw, tapos may mga foreigners po sa loob. Ngayon nag papa deliver na lang sila ng pagkain. Kadalasan hindi na sila nag luluto,” ani Cruz.

“Tapos po nag papadagdag sila ng internet connection and then nakikita nila maraming sasakyan… ‘yun yung isa sa mga indicators,” dagdag niya.

Kaya nga ang panawagan ni Cruz sa concerned citizens na iulat ang ganitong senaryo sa mga awtoridad, ang pagre-report aniya ay mananatiling anonymous para sa kanilang proteksyon.

Samantala, ibinalita naman ni Cruz na ang isa sa establisimiyentong sinalakay ng PAOCC sa Pasay City ay ginagamit ngayon bilang kanlungan para sa mga batang lansangan.

“‘Yung iba pong building na nahuli natin before ay nagagamit na po natin like ‘yung isang nahuli natin dito sa Metro Manila ginagamit na po nating parang tahanan po ng mga nakukuhang street children,” ani Cruz.

Winika pa nito na ang inisyatiba ay ginawa sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kris Jose