Home HOME BANNER STORY Paolo Duterte nagbabala sa pagsuporta sa posibleng impeachment ni VP Sara

Paolo Duterte nagbabala sa pagsuporta sa posibleng impeachment ni VP Sara

281
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa kanyang mga kasamahan sa House of Representatives laban sa pagsuporta sa posibleng impeachment complaint laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, na inaasahang maaaring ihain sa Pebrero 2026.

Ayon kay Rep. Duterte, iilan lamang umano na may kontrol sa pondo at impluwensiya ang nagtutulak sa impeachment, at hindi ito sumasalamin sa boses ng taumbayan.

Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay isang representative democracy, kung saan dapat kumonsulta ang mga mambabatas sa kanilang mga nasasakupan.

“Bago pa man ihain ang anumang panibagong impeachment complaint ngayong February 2026, this is a call to my colleagues — huwag ninyong ipasa sa taumbayan ang isang desisyong matagal nang niluto sa likod ng saradong pinto,” pahayag niya.

Dagdag pa niya, ang impeachment ay dapat nakabatay sa pananagutan at hindi sa politika o patronage.

“This is about accountability. Ug kung dili ninyo kayang mutubag sa katawhan ug mutindog sa kamatuoran, ayaw ninyo gamita ang ngalan sa taumbayan aron tabunan ang inyong desisyon,” aniya.

Noong Pebrero 2025, in-impeach ng House si VP Duterte sa ikaapat na reklamo kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga banta laban sa Pangulo at iba pang opisyal.

Nilagdaan ito ng 215 sa 306 mambabatas at ipinasa sa Senado, ngunit kalaunan ay idiniskwalipika ng Korte Suprema dahil lumabag umano ito sa probisyong isang impeachment lamang kada taon laban sa isang opisyal.

Nasa Korte Suprema pa rin ang mosyon para sa reconsideration na inihain ng House.

Muling lumutang ang usapin ng panibagong impeachment dahil magtatapos na ang isang taong pagbabawal.

Posibleng isama rito ang mga alegasyon ni Ramil Madriaga, na nagsabing siya umano ang dating bagman ni VP Duterte at na ang kampanya nito noong 2022 ay pinondohan ng POGOs at drug lords.

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon, kailangan muna ng pormal na imbestigasyon ng House upang mapatunayan ang mga paratang.

Samantala, sinabi ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang posibleng impeachment.

“Hindi po magla-lobby ang pangulo dito. Hahayaan po nilang gumulong kung ano ang dapat na proseso at kung anong kasasapitan po nito na naaayon sa batas at proseso, susuportahan po ‘yun ng pangulo,” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here