MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na legal at dumaan sa tamang proseso ang pagsamsam ng mga luxury vehicle na inuugnay kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Ito ay matapos sabihin ng abogado ni Co na si Ruy Rondain na umano’y walang naipakitang warrant ang mga awtoridad at na-detine ang driver ni Co nang mahigit 12 oras.
Ayon kay Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., acting PNP chief, ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa utos ng mga kinauukulang awtoridad.
“The operation was in compliance with an order from proper authorities. We want to assure the public that all actions of the Philippine National Police are legal and in accordance with the law,” pahayag niya.
Sinabi naman ng PNP Highway Patrol Group (HPG) na ipinatupad nila ang search warrant kasama ang Bureau of Customs (BOC). Ayon kay Police Brig. Gen. Hansel Marantan, direktor ng HPG,
“There are also motor vehicles reported to the HPG as spurious, with suspected contraband inside—that’s why we are here.”
Kinumpirma rin ng BOC na ang warrant ay ipinakita at tinanggap ng mga abogado na kumakatawan sa parking facility sa Taguig City kung saan nasamsam ang mga sasakyan.
Dagdag pa ni Nartatez, ang pagsali ng PNP sa operasyon ay bahagi ng kanilang suporta sa imbestigasyon kaugnay ng isyu sa flood control projects.
Si Co, dating chair ng House appropriations committee, ay itinuturing na pangunahing personalidad sa kontrobersiya sa umano’y korupsiyon sa flood control projects.
Tumanggi siyang umuwi sa Pilipinas dahil sa umano’y banta sa seguridad, nagbitiw sa puwesto, at itinanggi ang mga alegasyon.
Inakusahan naman niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Rep. Sandro Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez na sangkot umano sa korupsiyon. RNT/MND