MANILA, Philippines – Arestado ang isang pulis at dalawang sundalo sa magkahiwalay na operasyon dahil sa umano’y gunrunning.
Sa ulat, naaresto ang pulis sa Cotabato City noong Miyerkules ng umaga, habang nakatakas naman ang mga kasamahan nito.
Nasamsam ng mga awtoridad ang dalawang M16 rifle na ibinebenta umano niya sa halagang P160,000.
“Just imagine, naka-uniform [at] nagbebenta ng illegal firearms. Ito yung warning natin sa lahat ng ating kapulisan, na yung ganitong gawain ay walang puwang sa ating hanay,” ani PNP-CIDG Director Police Major General Leo Francisco.
Tinitingnan pa ng pulisya ang kanyang mga koneksyon, posibleng mga customer, at magsasagawa ng karagdagang pagsisiyasat sa kanyang mga aktibidad sa pagbebenta.
“Ito ay maaring napupunta sa iba’t ibang klaseng grupo, partikular sa criminal elements, kaya yan ang ginagawa natin para maaccount talaga natin ang mga illegal firearms,” ani Francisco.
“We will secure a court warrant para mabuksan namin ‘yung cellphone na na-seize sa possession niya,” added CIDG BAR Regional Chief PLTC Ariel Huesca.
Samantala, dalawang CAFGU na miyembro ng Philippine Army ang arestado sa buy-bust operation sa Cotabato noong nakaraang linggo dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagbebenta ng mga iligal na baril.
“When these two CAFGU nahuli, they voluntarily confided sa mga CIDG [investigator] na ‘yung baril na ibinenta nila sa poseur buyer namin ay galing sa isang uniformed personnel of Philippine Army,” ani Huesca.
Nang mahuli, kusang-loob nilang ipinagtapat sa CIDG [mga imbestigador] na galing sa mga tauhan ng Philippine Army ang ibinebenta nilang baril sa mga poseur buyer.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-CIDG sa Cotabato ang tatlong suspek na nakikipag-ugnayan na rin sa Philippine Army para matukoy ang pinagmumulan umano ng mga baril ng dalawang suspek sa militar.
Maaaring kasuhan ang mga suspek dahil sa paglabag sa comprehensive law on firearms and ammunition. RNT