Home METRO Parak, ex-sekyu timbog sa pagbebenta ng armas

Parak, ex-sekyu timbog sa pagbebenta ng armas

BATANGAS- ARESTADO ang isang pulis at dating security guard na kasama nito matapos madakip ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon dahil sa illegal na pagbebenta ng mga baril at bala sa Batangas.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Senior Master Sgt. Carlito Escorsa Jr., nakatalaga sa Sto. Tomas City Police Station at kasama nitong si Ramil Esperanzate.

Sa isinagawang operasyon noong Miyerkules ng mga awtoridad nadakip ang mga suspek sa Barangay San Antonio Sto. Tomas, ng nasabing lungsod.

Ayon kay CIDG director Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., nakuha sa mga suspek ang isang M16 Rifle (Colt), 5-bala ng long steel magazine para sa M16 rifle, 2-piraso ng short steel magazine para sa M16 rifle, 2 ammunition guide para sa M16 rifle, 67 rounds ng ammunition para sa M16 rifle, 2 cellular phones, at boodle money.

Sinabi ni Caramat, nakatanggap sila ng impormasyon na illegal na nagbebenta ang mga suspek ng mga armas at bala sa pamamagitan ng social media o online communication at agad na isinagawang buy bust operation laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip ng mga ito.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek habang ang mga nakumpiskang armas at mga bala ay dinala sa CIDG Batangas PFU Office para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Mary Anne Sapico