Home OPINION SUMUNOD NA ANG TARLAC

SUMUNOD NA ANG TARLAC

PALIIT nang paliit na ang mga lugar na ginagalawan ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF. Ito ay matapos ideklara ng Provincial Peace and Order Council noong June 23, 2023 sa resolusyon nito na ang probinsiya ng Tarlac ay malaya na sa mga kuko ng mga rebelde at insurektos.

Ang katayuan ng Tarlac sa paghahayag ng resolusyon ng PPOC ay nasa ‘Stable Internal Peace and Security’ na. Ano ang ibig sabihin nito? Iisa lamang ang kasagutan- ang probinsiya ay napalaya na ng Armed Forces of the Philippines sa panggugulo ng mga CPP-NPA-NDF.

Malaking dagok ito sa mga komunistang-terorista dahil itinuturing nila na ang Tarlac ay balwarte ng mga kalaban ng pamahalaan dahil dito nagsimula noong 1969 ang pagtatatag nila ng New People’s Army, ang armadong grupo sa pakikipaglaban sa pamahalaan.

Sabi sa PPOC resolution, nawalan na ng kapabilidad ang NPA partikular na ang Komiteng Larangang Gerilya-Tarlac-Zambales na humina na noon pang 2022 dahil pagbuhos ng ‘military focus’ ng pamahalaan.

Ang pagkakagapi nga raw sa puwersa ng NPA sa Tarlac, ayon sa Armed Forces Northern Luzon Command, ay dahil sa magkaugnay na pagsisikap ng Nolcom, Philippine National Police, Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) at syempre ng PPOC at pamahalaang bayan ng Tarlac.

Sa mga pahayag ni Governor Susan Yap, binigyan diin nito ang kahalagahan ng kapayapaan tungo sa kaunlaran ng rehiyon. Matagal daw ang kanilang ipinaglaban para makamtan ang kapayapaan, dahil kung wala ito, hindi rin uusad ang mga pagbabago at kaunlaran.

Mahalaga, ayon kay Gov. Yap, ang bukas na pakikipag-ugnayan sa taong bayan upang masolusyunan ang mga problema ng lalawigan.

Pinasasalamatan niya ang ibayong pakiki-isa ng lahat ng sangay ng pamahalaan upang maitaboy ang mga NPA at maipaliwanag ang mga programa at ang hangarin ng gobyerno para sa taong bayan.

Ang kagandahan pa nito, kung malinis na ang Tarlac sa mga komunistang-terorista, papasok at papasok na ang mga mamumuhunan sa probinsiya.

Nangangahulugang mas uunlad pa ang probinsiya ng Tarlac sa mga darating pang panahon.

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!