MANILA, Philippines – Naglunsad na ng pinaigting na manhunt ang pulisya laban sa isang pulis na hinihinalang namaril sa 25-anyos na magsasaka nitong Huwebes ng gabi, Abril 30 sa Barangay Aliwekwek, Lingayen, Pangasinan.
Ayon kay Lt. Col. Junmar Gonzales, Lingayen police chief, ang suspek ay isang pulis na nakatalaga sa San Carlos City Police Station at residente ng Barangay Quibaol.
Sa inisyal na report ay napag-alamang dumalo ang biktima sa isang inuman sa bahay ni Aliwekwek kasabay ng fiesta sa barangay nang siya ay barilin ng suspek.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib at tiyan ang biktima na agad isinugod sa Lingayen District Hospital.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente at nananatiling nagtatago.
Dito na nagtungo sa bahay ng suspek si Lt. Col. Marceliano Desamito Jr., officer-in-charge ng Provincial Police Office, kasama ang iba pang opisyal, at nakipag-ugnayan sa asawa nito na nakausap naman sa telepono ang suspek.
Inatasan ni Desamito ang suspek na boluntaryong sumuko at binigyan ng isang oras na ultimatum para harapin ang mga alegasyon.
Sa kabila nito ay bigong makatugon ang suspek.
Nagpapatuloy ang pursuit operations ng pulisya at nakikipag-ugnayan na rin sa iba’t ibang unit ng pulisya.