Home NATIONWIDE Partial flood control report posibleng ma-archive kung ‘di makakuha ng siyam na...

Partial flood control report posibleng ma-archive kung ‘di makakuha ng siyam na pirma – Lacson

171
0

MANILA, Philippines — Posibleng mailagay sa archive ang partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects kung hindi ito makakakuha ng kinakailangang siyam na pirma bago matapos ang kasalukuyang sesyon ng Kongreso, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.

Sinabi ni Lacson, na siya ring chairman ng komite, na apat pa lamang na senador ang lumagda sa ulat hanggang Biyernes ng umaga. Kabilang dito sina Lacson, Senators Bam Aquino, Risa Hontiveros, at Kiko Pangilinan.

Ipinaliwanag niya na kapag nagtapos ang unang regular session ng 20th Congress sa Hunyo 5, 2026 at nag-sine die ang Senado, maaaring ma-archive ang ulat kung may magmo-motion para rito sa plenaryo.

“Otherwise, naka-tengga lang ‘yun, naghihintay na makuha ‘yung required number of signatures,” ani Lacson sa panayam sa radyo.

Gayunman, umaasa ang senador na makukuha pa ang limang kinakailangang pirma upang maisalang sa plenaryo at posibleng maaprubahan ang ulat.

Plano rin umano niyang makipag-usap kay Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri kaugnay ng usapin.

Si Zubiri ay kabilang sa mga senador na naunang nagbawi ng pirma sa draft report dahil sa ilang isyu sa ginamit na wika.

Tiniyak naman ni Lacson na ang mga rebisyong ginawa sa ulat ay hindi magpapahina sa mga rekomendasyon nito.

Nauna nang sinabi ni Lacson na maaaring irekomenda sa ulat ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa ilang senador at dating mambabatas na umano’y sangkot sa anomalya sa flood control projects.

Kabilang sa mga nabanggit sina Senators Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada, gayundin sina dating Senador Bong Revilla, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here