Home OPINION PARTYLIST SYSTEM DAPAT REBISAHIN

PARTYLIST SYSTEM DAPAT REBISAHIN

KAILAN kaya magigising sa katotohanan ang mga mambabatas para mapagtanto nila na panahon na para rebisahin ang umiiral na partylist system sa ating bansa?

Aminin man nila o hindi, nababoy na ang sistemang maganda ang layunin base sa nakasaad sa 1987 Constitution na lumilikha ng patylist system.

Marami ang naninisi sa mga Mahistrado ng Korte Suprema nang maglabas ng kautusan noong 2013 na ang partylist sytem ay bukas sa iba’t ibang grupo o partido at hindi lamang sa mga marginalized sector o grupong hindi napagkakalooban ng wastong serbisyo at pagkalinga ng pamahalaan.

Mula noon, dumami na ang mga nagnanais na maging kinatawan ng iba’t ibang grupo tulad ng manggagawa, magsasaka, maralita, security guard, matatanda, kababaihan, kabataan at iba pa na hindi kailanman dumanas ng kahirapan o pangangailangang serbisyo mula sa gobyerno.

May mga milyonaryo, negosyante, bantog na tao, at iba pa ang kumakandidatong kinatawan ng iba’t-ibang partylist na kalaunan ay nagiging kongresista na minsan man ay hindi nabigyan ng anomang pwesto sa pamahalaan.

Pero papaano naman sisisihin ang mga Mahistrado ng Supreme Court kung sa kanilang pag-aaral at pagsusuri sa ipinasang batas ng House of Representatives at Senado hinggil sa partylist system ay may ganitong uri ng probisyon?

Maraming naging kongresista na kabilang sa mga nominado sa nagwaging partylist sa halalan kahit hindi naman talaga kabilang sa sector na kanilang kinatawan.

Isang halimbawa nga rito ang pag-upo bilang kongresista ng anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Mikee Arroyo na nominado bilang kinatawan ng Ang Galing Pinoy (AGP) partylist na kumakatawan sa security guards, tricycle drivers at magsasaka.

Marami pang mga tulad niya na umusbong at naging kongresista kahit hindi nila naranasan ang mga pinagdaanan ng kanilang mga kinakatawan.

Maging si Commission on Election Chairman George Garcia ay naniniwala rin na kailangang marebisa na ang probisyon sa paglikha ng partylist dahil naaabuso na nga ito ng mga makapangyarihan.

Upang maiwasan ang ilang butas sa sistema ng partylist, ang paglalagay ng 10 nominasyon sa  partylists na lalahok sa midterm election ay hindi na papalitan hanggang matapos ang halalan.

Kasi nga, sa ilalim ng umiiral na batas sa partylist system, kahit tapos na ang halalan ay pwede pang palitan ang mga nominee kapag nag-resign ang lahat ng limang nominee, kaya iba ang nauupo bilang kongresista.