MANILA, Philippines – HAYAGANG itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang akusasyon ng kanyang kapatid na si Senator Imee Marcos, na mayroong nagpapatuloy na pagtutulak ng Charter change at palawigin ang termino ng mga incumbent elected officials.
Sa isang panayam, binigyang diin ng Pangulo na ang impormasyon na ipinapakalat ng kanyang kapatid ay “perfect example” ng fake news.
“We have never, at any point. even spoken about this anywhere, with anyone, at any time,” ayon sa Pangulo.
Kaya nga ang payo niya sa kanyang kapatid ay sibakin sa puwesto ang kanyang staff na nagbigay sa kanya ng maling impormasyon ukol sa tangkang amiyendahan ang 1987 Constitution.
“You know, fake news affects, hurts everyone, not only those that fake news is attacking, but also those who are purveying that fake news, the purveyors of fake news are also damaged by this,” ang sinabi ng Pangulo.
“Fake news is a corrosive influence in all sectors of society—in political, in economics, in acts of human relations, et cetera. And if you are not part of the solution, you become part of the problem,”dagdag na pahayag nito.
Matatandaang, inakusahan ni Sen. Imee Marcos nitong Lunes, May 25, 2026, ang kasalukuyang administrasyon na nagtutulak umano ng charter change at posibleng term extension, bagay na mariing tinutulan ng ilang senador mula sa minorya na naglarawan sa kanyang presentasyon bilang “fake news” at “propaganda.”
Sa kanyang privilege speech, nagpakita si Marcos ng video na umano’y naglalaman ng mga hakbang para amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional Assembly, palawigin ang termino ng mga incumbent officials hanggang 2031, pababain sa 35 taong gulang ang minimum age requirement para sa pagtakbo sa pagkapangulo, at kanselahin ang 2028 elections.
“Impeachment, no elections, term extension. Ito ang inaatupag ng ilang mambabatas na nagiging mambubutas ng sikmura ng taumbayan,” ani Marcos.
“Inuuna ito kaysa gutom, trabaho, kalusugan, kabuhayan. Gusto nilang pahabain ang paghihirap ng Pilipino, gusto ata nilang gumapang ang bayan sa dusa, gaya ng paggpaang ng mga buwaya sa kaban ng bayan at konstitusyon,” dagdag pa niya. KRIS JOSE