MANILA, Philippines – Arestado ang pasahero na biyaheng Manila sa Tacloban Airport sa pagdala umano ng replica ng submachine gun sa kanyang bagahe, kasabay ng nagpapatuloy na gun ban.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEG) nitong Sabado, pinagbawalan ang pasahero na sumakay sa kanyang flight at nahuli matapos ang routine screening sa paliparan nang makuhanan ng replica ng Heckler & Koch MP5 submachine gun, na kumpleto ng magazine, sa bagahe nito.
Sinabi rin ng PNP-AVSEG na ito ay paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, in relation to the Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 11067.
Ang nationwide gun ban ay ipinatupad noong Enero 12 at magpapatuloy hanggang Hunyo 11, 2025.
Sa panahong ito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbiyahe ng mga armas at deadly weapons, kabilang ang mga replica at toy gun.
Kabilang ang mga toy gun at replica sa listahan ng ipinagbabawal na gamit ng Department of Transportation – Office for Transportation Security.
Maaaring magresulta ang pagkakakumpiska sa mga gamit sa pagka-offload at pagkaaresto kahit na labas na ito sa gun ban period ng Comelec.
“The implementation of these measures is part of our duty to ensure the safety and security of every passenger and flight nationwide. We urge the public to always check their baggage for prohibited items before traveling to avoid inconvenience,” pahayag ni PNP-AVSEG director Police Brigadier General Christopher Abecia. RNT/JGC