Home OPINION PINOY SA INDIA, PAKISTAN, PAANO?

PINOY SA INDIA, PAKISTAN, PAANO?

POSIBLENG muling magkagiyera ang mga bansang India at Pakistan mula sa araw na ito, Mayo 19, isang araw makalipas umiral ang tigil-putukan ng dalawa makaraang maglaban ang mga ito nitong Mayo 7.

Ayon sa Pakistan, pinaghahandaan na nito ang muling pag-atake ng India gaya ng ginawa nito noong Mayo 7.

Sa araw na iyon, sa ilalim Operation Sindoor, sinalakay ng India, gamit ang mga eroplano, missile at drone ang bahagi ng Kashmir na pinamamahalaan ng Pakistan at ilang kampo military nito at lungsod.

Gumanti naman ang Pakistan gamit ang mga katulad na armas at sinalakay ang bahagi ng Kashmir na pinamamahalaan din ng India at ilang lungsod at bayan din nito.

Naglabanan din ang mga fighter jet ng mga ito na ikinalaglag ng limang eroplano ng India habang nalaglagan din ang Pakistan ng dalawa sa bisa ng mga missile ng India.

Ngayon naman, nag-aangilan ang dalawang bansa na kapwa may hawak na bombang nukleyar at sinasabing hindi aatras ang isa’t isa sa paggamit ng mga bombang nukleyar kung kinakailangan.

KAMPIHAN, ARMASAN

Kinakammpihan ng Turkey, Azerbajian at China ang Pakistan habang Russia naman ang kumampi sa India.

Nagmula ang mga fighter jet ng Pakistan mula sa China, gayundin ang mga missile at drone nito habang may drone ding suplay ng Turkey.

Ang India, may mga eroplano nitong galing sa Russia at mga S-400 batteries o missile na nagpabagsak sa dalawang F-16 na eroplano ng United States at hinaluan ng mga fighter jet mula sa France.

MABANGIS

Mabangis ang isang araw ng labanan at nagbunga rin ito ng pagkamatay ng mga sibilyan at sundalo.

May 40 sibilyan at 11 sundalo ang Pakistan na namatay habang may 16 sibilyan at 5 sundalong Indian ang namatay rin.

Iba pa ang mas maraming bilang ng mga nasugatan.

Nag-ugat ang mabangis na labanan makaraang mamasaker ang 26 na turistang Indian sa Pahalgam na bahagi ng Kashmir noong Abril 22, 2025 at inakusahan ng India na galing sa Pakistan ang pumasalang sa mga ito.

Mula noong naghanda na ang dalawang bansa sa posibleng giyera at naganap nga iyon simula noong Mayo 7 ngunit mabilis din tumigil sa bisa ng tigil-putukan na ipinanawagan ng ibang mga bansa.

WALANG NADAMAY NA PINOY

Mabuti at walang nadamay na Filipino sa mga nasaktan o namatay sa nasabing giyera.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs nasa 3,350 Filipino ang nakakalat sa India habang may 3,151 naman sa Pakistan.

Karamihan umano sa mga ito ang nakapag-asawa ng mga Indian o Pakistani.

Pinagbilinan ng DFA ang mga ito na huwag basta lalabas ang mga ito sa kanilang mga bahay, umiwas na mamasyal-masyal lalo na sa mga hangganan ng dalawang bansa, lalo’t nag-ipon ang magkabilang panig ng kani-kanilang mga puwersa at armas sa nasabing mga lugar.

Habang kumikilos ang DFA, maganda na ring maging aktibo ang komunikasyon sa pagitan ng mga Pinoy sa India at Pakistan at mga pamilya nila rito upang maging katulong ng pamahalaan sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga ito.