Bulacan- Patay ang isang dalawang taong gulang na lalaki matapos aksidenteng mahulog hanggang sa malunod sa ilog sa bayan ng Obando.
Kinilala ang kalunos-lunos na biktimang paslit na si Ivan, anak ng construction worker na si Gilbert na pansamantalang nanunuluyan sa isang barracks sa Brgy. Paco, Obando at residente ng Lubao, Pampanga.
Sa report, nangyari ang insidente bandang alas-8 ng umaga nitong Marso 16 sa ilog sakop ng Brgy. Paco.
Ayon sa report, nagpaalam na pupunta ang ama sa trabaho sa kanyang misis na naglalaba nang biglang mawaglit sa kanyang paningin ang anak kaya kinutuban ito.
Dahil dito, agad kinontak ni misis ang kanyang mister na agad umuwi para hanapin ang nawawalang anak hanggang kalaunan ay nakitang lumutang na ito sa ilog.
Nabatid na agad dinala sa ospital ang bata para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay.
Sinasabing tumanggi na ang pamilya na dumaan sa pagsusuri ng SOCO dahil naniniwala silang aksidente ang nangyari, ayon na rin sa report ng pulisya. Dick Mirasol III