
UMABOT sa kabuuang Php 40 milyon ang nalikom ng Social Security System (SSS) sa mga hindi nabayarang kontribusyon at kaukulang multa mula sa mahigit 400 na mga pasaway na mga employer sa Central Visayas noong taong 2024.
Pinaigting ng SSS ang kampanyang “Run After Contribution Evaders” o RACE noong nakaraang 2024, kung saan naglabas ang ahensya ng mga abiso sa 837 employers na mula sa 20 lungsod at bayan sa Cebu at sa Bohol dahil sa hindi pagri-remit ng mga kontribusyon at hindi pagrerehistro ng kanilang mga negosyo.
Iniulat ni Eric Coronado, pansamantalang pinuno ng SSS Central Visayas, na nasa 54 porsyento ng mga may-ari ng negosyo ang nakatanggap ng abiso. Sila ay sumunod sa mahigpit na babala ng kanilang tanggapan at nagsimulang bayaran ang kanilang mga pagkakautang sa kontribusyon.
Ayon kay Coronado, sa 454 employers na sumunod, 157 ang ganap nang nabayaran ang kanilang pagkakautang sa kontribusyon habang 156 na may-ari ng negosyo ang nagbigay ng paunang bayad. Bukod dito, 48 sa kanila ang piniling gumamit ng installment payment plan.
May 93 employers na rin ang nagparehistro ng kanilang negosyo sa SSS. Ang pinakamahalaga ayon kay Coronado, may 8,629 na manggagawa ang makikinabang dahil nai-post sa sistema ang mga nakolektang overdue contributions kung kaya’t magiging kwalipikado na sila sa mga benepisyo kabilang ang loan privileges.
Dahil sa kabila ng abiso ay walang pag-aksyon kung kaya nasa 330 employer accounts ang na-refer sa Central Visayas Legal Department para sa ligal na aksyon dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Bago matapos ang December 2024 ay nakapaghain na ng reklamo laban sa 16 employers sa Fiscal’s office at dalawa ang umabot na sa Hukuman at kasalukuyang dinirinig.
May 16 na establisimyento ang sumasailalim pa rin sa muling pagsusuri at hinihing pa ng SSS ang mga kinakailangang mga dokumento habang may anim na employer na hinihintay para makapagsumite ng hinihinging records kabilang ang payroll, kontrata sa trabaho, at financial statements upang matukoy ang aktuwal na halaga ng kontribusyong kailangang bayaran ng employer sa SSS.
Pangako ni Coronado, marami pang kailangang gawin upang matiyak na ang bawat employer sa Central Visayas ay tutupad sa kanilang obligasyon sa ilalim ng batas at patuloy na babantayan ng SSS ang progreso ng mga delinquent account upang masigurong makokolekta ang lahat ng kontribusyon ng mga miyembro.