ZAMBOANGA CITY — Bumalik sa face-to-face classes nitong Lunes ang mga estudyante ng Junior High School ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU), mahigit isang buwan matapos ang pamamaril sa loob ng campus noong Agosto 18.
Mahigpit ang seguridad sa muling pagbubukas ng onsite classes, kabilang ang masusing pag-inspeksyon sa mga bag ng estudyante at ilalim ng mga sasakyang pumapasok sa campus.
Sinuspinde ng unibersidad ang mga klase matapos ang insidente na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang hinihinalang gunman.
Bilang bahagi ng recovery process, sumailalim ang ilang estudyante, magulang, guro at school personnel sa psychological first aid. Bago ang pagbabalik sa regular na klase, binigyan din ang mga estudyante ng non-academic activities bilang bahagi ng gradual transition.
Nauna ring bumuo ang AdZU ng Healing, Recovery, and Resilience Executive Committee kasunod ng insidente.
Kasabay nito, nagpaabot ang unibersidad ng pakikiramay sa Banga National High School sa South Cotabato matapos ang hiwalay na pamamaril doon noong Setyembre 18. Pinayuhan din nito ang mga estudyante at personnel na huwag magbahagi ng sensitibong larawan at video ng insidente sa social media. RNT