MANILA, Philippines — Ikinatuwa ni Vice President Sara Duterte na personal umanong nakita ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) ang kalagayan ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang dumalo ito sa status conference noong nakaraang linggo.
“Masaya ako na nagkaroon ng status conference, no, at finally nakita ng mga judges kung ano ‘yung estado ni PRRD, na he’s of advance age,” ani Duterte nitong Lunes.
Umaasa rin ang bise presidente na matatalakay ang kalusugan ng dating pangulo.
Unang personal na pagdalo ni Duterte sa status conference ng kanyang crimes against humanity case noong Setyembre 16. Nauna niyang i-waive ang personal na pagdalo sa dalawang nakaraang status conference.
Hindi pa nagpapasya ang ICC Trial Chamber III sa usapin ng fitness ni Duterte na humarap sa paglilitis. Humiling ang kanyang defense team ng “greater medical certainty” habang kinukuwestiyon ang report ng expert panel.
Samantala, nagpasya nang nagkakaisa ang Trial Chamber na manatiling nakakulong ang dating pangulo habang nagpapatuloy ang kaso.
Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga alegadong pagpatay noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa ICC Detention Centre sa Scheveningen, The Hague, Netherlands. RNT