MANILA, Philippines – Bunsod na rin ng tinatayang malakas na pag-ulan dala ng Severe Tropical Storm “Opong,” sinuspinde ng Malakanyang ang trabaho sa tanggapan ng gobyerno at pasok sa klase sa lahat ng antas sa Metro Manila (MM), Biliran, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Masbate, Romblon at Sorsogon, bukas araw ng Biyernes, Setyembre 26, 2025.
Ang anunsyo ng Malakanyang ay tugon sa naging rekumendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa ipinalabas na Memorandum Circular No. 102, nakasaad dito na suspendido naman ang klase sa lahat ng antas sa Aklan, Albay, Antique, Batangas, Bataan, Camarines Norte, Camarines Sur, Capiz, Cavite, Catanduanes, Guimaras, Iloilo, Laguna, Leyte, Marinduque, Negros Occidental, Oriental Mindoro, Rizal at Quezon upang maisghuro ang kaligtasan ng publiko.
Gayunman, ang mga ahensiya na responsable sa “basic, vital and health services, preparedness and response duties” ay dapat na patuloy at manatiling operational upang masiguro na magpapatuloy ang government functions.
“Non-vital government employees of subject agencies may be engaged under approved alternate work arrangements, subject to applicable laws, rules and regulations,” ang nakasaad sa MC 102.
Idagdag pa rito, ang localized cancellation o suspension of classes at/o sa trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang lugar ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executives, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.
Ang suspensyon ng trabaho sa pribadong kompanya at tanggapan ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.
Ang nasabing Circular ay dapat na agad na maging epektibo. (KRIS JOSE)