MANILA, Philippines – Rerepasuhin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang patakaran nito sa pagpo-post sa social media ng mga operasyon laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko at road safety.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, wala siyang nakikitang mali sa pagpo-post ng mga nahuhuling motorista, ngunit kailangan nilang tiyakin kung may nalalabag na Data Privacy Act o iba pang karapatang pantao.
“There are conflicting opinions—there are those who appreciate, and those who are not. So we need to review and clear things up on the regulations governing our social media posts,” ani Artes.
Naging usapin ito matapos mahuli ang isang lalaking guro na walang suot na helmet habang nagmomotorsiklo. Nakiusap umano ang guro kay MMDA Special Operations Group–Task Force for Road Clearing head Gabriel Go na huwag siyang kuhanan ng video, ngunit sinabi nitong lalabuan ang kanyang mukha bago i-upload ang video.
Nag-viral ang video at umani ng iba’t ibang reaksyon. May ilang netizen at isang grupo ng mga guro ang nanawagang alisin si Go sa operasyon.
Kinumpirma ni Artes na pansamantalang hindi muna isasama si Go sa mga operasyon habang iniimbestigahan ang reklamo laban sa kanya.
“He is still employee and he is not suspended. It’s just that we will not allow him to join operations pending the result of the investigation,” aniya.
Kasama sa imbestigasyon ang pakikipagkonsulta sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Data Privacy Commission.
Sinabi rin ni Artes na bilang abogado, naniniwala siyang hindi kailangan ng pahintulot sa pagkuha ng video sa isang pampublikong lugar dahil bahagi ito ng lehitimong operasyon ng pamahalaan.
“As a lawyer and head of the agency, when you are in a public place, it is not subject to consent. It’s legitimate government operation and we are also using those footages for the protection of our employees,” ani Artes.
Dagdag pa niya, nakatutulong ang mga video upang ipakita sa publiko ang trabaho ng MMDA at magsilbing babala sa mga lumalabag sa batas, ngunit muli nilang rerepasuhin ang patakaran kasabay ng konsultasyon sa Data Privacy Commission. RNT/MDS