ALAM ba ninyo na simula noong 2014 hanggang 2016, puro drug trafficker ang binitay sa firing squad sa Indonesia?
Nasa 19 sila lahat noon at hindi sila pinatawad ng pamahalaang Indonesia.
Noong Abril 28-29, 2015 na dapat mabitay si Mary Jane Veloso, walo sa kanyang mga naging kakosa ang binitay at tanging si Veloso lamang ang naligtas.
Kasama sa mga nabitay noon sina Australian Andrew Chan at Myuran Sukumaran, mga lider ng Bali 9 na nagpasok ng kilo-kilong heroin sa Indonesia.
Makaraang litisin si Veloso, napatunayang nagkasala siya sa drug trafficking ng mababang korte at Supreme Court ng Indonesia sa pagpasok ng 2.6 kilong heroin sa nasabing bansa.
SURRENDER AT SI PNOY
Noong umaga ng Abril 28, 2015, sumurender o kaya’y nahuli umano ng mga awtoridad ang illegal recruiter ni Veloso na si Maria Kristina Sergio.at hinuli rin ang kasama nitong si Julius Lacanilao.
Sa maghapong ito, bumisita ang mga pamilya ni Veloso sa kulungan at nag-usap sila bilang pamilya at nagpaalam na rin sa isa’t isa dahil ibibiyahe na si Veloso sa bitayan.
Dahil sa pangyayari ukol kina Sergio at Lacanilao, hindi binalewala na ang proseso sa komunikasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino at agad tumawag ito kay Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi para humiling ng pagpapatawad para kay Veloso at ipinaliwanag pang mahalagang-mahalaga ng testimonya nito laban kina Sergio at Lacanilao na nakatakda nang kakasuhan ng pamahalaan.
Ipinaalala na rin nito ang kasunduang ASEAN Mutual Legal Assistance Treaty na nakasasakop sa mga kasong katulad ng kay Veloso.
Dahil dito, Alas 10:00 ng gabi, nakakandado na ang lahat ng bibitayin pagkatapos ng alas-12:00 ng gabi o Abril 29, 2015 ngunit pinasok ng mga pulis si Veloso at inilabas siya saka ibinalik sa kulungan sa Yogyakarta at sinabihan siyang hindi natuloy ang pagbitay sa kanya.
Makaraan nitok, agad na inianunsyo ni noo’y Herminio Coloma, isang mediaman at Secretary ng Presidential Communications Office ni Pangulong Noynoy ang good news ukol kay Veloso.
Dito na nagsimula ang pag-asang lalaya rin si Veloso at hindi mabibitay ngunit walang clemency o pagpapatawad.
SUNOD-SUNOD NA GOOD NEWS
Mula noon, bagama’t sinabi ng sumunod kay Aquino na si ex-President Digong Duterte na nirerespeto nito ang anomang desisyon ng Indonesia na pagbitay, hiniling pa rin nito ang pagpapatawad o pagpapalaya kay Veloso, ayon kay Manny Piñol, isa ring mediaman at chairman ng Mindanao Development Authority noong 2016-2019.
Hinatulang guilty naman sina Sergio at Lacanilao sa human trafficking noong Oktubre 9, 2019 at nang dumating si Pangulong Bongbong Marcos, ipinagpatuloy nito ang kahilingan palayain si Veloso at dito sa Pinas nito bubunuin ang kanyang sentensya.
PATATAWARIN BA SIYA?
Ngayon naman, may mga kahilingan sa parte ni Veloso na bigyan siya ng clemency o pagpapatawad, lalo na kung totoo na wala siyang pagkakasala sa bintang simula’t sapol.
Ayon sa Pangulo, malayo pa ang clemency.
Nangangahulugang pag-aaralan pa nang husto ang kaso ni Veloso na may parusang 20 taon at isang araw hanggang 40 taong pagkabilanggo sa Pilipinas.
Tama naman.