MAY mga kongresman na hindi raw magrereklamo kung may ibe-veto si Pangulong Bongbong Marcos na mga bahagi ng panukalang pambansang para sa 2025.
Kabilang sa mga pinag-aawayan ang sinibak na P12 bilyon para sa computerization program ng Department of Education.
Katwiran ng mga sumibak, pwedeng gamitin ang mga laptop na P2.4 bilyon na binili ng DepEd noong panahon ni ex-Education Secretary Leonor Briones.
Ang siste, balot ang mga ito ng masamang imahe gaya ng overpricing at wala sa kalidad at ayon sa isang senador, kontrata ito ng isang kongresman noon, batay sa balitang ito mula sa GMA7(https://www.gmanetwork.com/news/topstories/content/897239/villanueva-hits-back-at-zaldy-co-your-company-is-linked-to-pharmally-deped-laptop-controversies/story/ )
Paano mo magagamit ang mga laptop na ito?
Kontrobersyal din ang pagsibak sa P74B badyet para sana sa PhilHealth.
Ayon sa mga senador, isang layunin ng P74B ang pagbabayad ng premium o kontribusyon sa mga walang kakayahang magbayad sa PhilHealth gaya ng milyones na senior citizen at People With Disabilities.
Sino-sinong kongresman ba ang nagsulong para mawalan ng PhilHealth ang milyon-milyong mamamayan?
Paano kung ibabalik ni Pangulong Bongbong ang P74B o kahit man lang ang bawas na badyet dito?
Magsisisi kaya sila?
Pero pinakakontrobersyal na panukala ang Ayuda sa Kapos Ang Kita o AKAP na sinibak noong una ni Senador Imee Marcos ngunit inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.
Masama ang imahe ng AKAP dahil noong 2023, biglang lumitaw sa Bicam ito na nagkakahalaga ng P13 bilyon nang hindi dumaan sa mga talakayan ng Kamara at Senado at para sa mga kongresman lang.
Ngayong taon ngunit para sa 2025, sinibak ni Manang Imee ito na nagkakahalaga ng P26B dahil pang-eleksyon lang umano ito ng mga kongresman ngunit ibinalik at inaprubahan din makaraang may parte na rin ang mga senador.
Paano kaya kung i-veto ito ng Pangulo?