MANILA, Philippines- Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) na pag-isahin ang lahat ng kaso laban kay dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.
Si Teves ay nahaharap sa iba’t ibang kaso sa mga korte sa Metro Manila at sa probinsya.
“Kaya siguro we will have to manifest to the court one of two things. Either consolidate or payagan siyang mag-video conferencing,” ani Clavano.
Isinasaalang-alang din aniya ng DOJ ang seguridad ni Teves.
Sinabi ni Clavano na plano ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na pagsamahin na lamang ang lahat ng kaso ni Teves para dinggin ng isang korte sa Metro Manila.
“So we will have to see if the requisites, tumutugma yung mga requisites for the consolidation of cases and then we will file the necessary motions in court,” dagdag ni Clavano.
Si Teves ay nahaharap sa 10 bilang ng kasong murder, 13 bilang ng frustrated murder at limang bilang ng attempted murder sa Manila RTC Branch 12. Kaugnay ito sa March 4, 2023 massacre sa Pamplona, Negros Oriental kung saan napatay si Gov. Roel Degamo.
Nahaharap din si Teves sa kasong murder sa Manila RTC Branch 15, at Bayawan City RTC Branch 63.
May kaso rin ito na illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC Branch 12, paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 sa Quezon City RTC Branch 77 at isa pang kaso ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 sa Quezon City RTC Branch 77. Teresa Tavares