MANILA, Philippines- Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na patuloy na tutulong sa displaced workers ng Internet Gaming Licensees (IGLs) o dating Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang gobyerno ay patuloy na tutulungan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng career fair at probisyon ng livelihood projects.
Sinabi pa ng kalihim na ang DOLE National Capital Region ay regular na nagsasagawa ng job fairs para sa iba’t ibang sector sa koordinasyon ng Public Employment Service Offices at iba pang opisina.
Idinagdag pa ni Laguesma na ang hakbang ay bilang pagsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagsama-samahin ang mga programa sa trabaho at kabuhayan ng gobyerno.
Noong Biyernes, tinapos ng DOLE ang huling araw ng Career Con 2025, na nagtala ng hindi bababa sa 18,000 registrants, na nagtatampok ng malawak na job fair na may higit 8,000 bakante na inaalok ng mahigit 150 kalahok na employer, isang one-stop-shop ng mga serbisyo ng gobyerno, resume clinics at interview coaching, at career discussions, bukod sa iba pa.
Samantala, libo-libong Manilenyo ang natanggap sa trabaho on-the-spot sa tatlong simultaneous job fairs na isinagawa sa lungsod noong Biyernes. Jocelyn Tabangcura-Domenden