Home METRO ‘Puga’ ng online lending apps sinalakay ng PAOCC, NBI

‘Puga’ ng online lending apps sinalakay ng PAOCC, NBI

MANILA, Philippines- Sinalakay ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang isang opisina sa Makati office na sinasabing puga ng ilang online lending applications na umano’y nagha-harass sa mga may utang.

Ayon sa ulat, sinabi ng mga awtoridad na nakatanggap sila ng ulat ng mga may utang na nalugmok na sa depresyon dahil sa harassment ng mga kolektor ng lending apps.

“Marami na pong nagtangkang magpakamatay. Marami na rin pong nagpakamatay. Nasira yung buhay, nagkaroon ng depression,” pahayag ni NBI-OTCD Agent-on-Case Attorney Ric Espino.

Base sa mga awtoridad, nag-alok ang lending apps ng mga loan na agad na inaprubahan subalit mataas ang interes.

Inihayag ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz na ang unang rekisitos ng mga app ay ang contacts at photo gallery ng loan applicant.

Aniya, kahit hindi mabayaran ang loan, mag-aalok ang panibagong lending app ng loan upang mabayaran ang umiiral na obligasyon hanggang sa malubog sa utang ang kliyente.

Wala namang naarestong lending app owners.

Mahaharap ang mga empleyado, tumangging sangkot sa pangha-harass sa mga kliyente, sa ilang kaso kabilang ang harassment and grave threats.

Sinabi ng PAOCC at NBI na sinisilip nila ang posibleng koneksyon sa pagitan ng lending app companies at POGO operations.

“May possibility na yung mga dating nag-ooperate ng POGO ay nag switch na sa ganitong scamming. May mga nahuli na kasi tayo before na ang nagpapatakbo ay mga Chinese national. ‘Yung mga una naming na-check ay mga grupo rin sila ng mga magpo-POGO eh. Kaya lang mas tago sila dito,” pahayag ni Cruz. RNT/SA