MANILA, Philippines – Target ng PBA na maglatag ng mga bagong pagbabago at panuntunan sa kanilang kalendaryo at format para sa nalalapit nitong ika-49 na season.
Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na nakikipag-usap na ang liga sa posibleng dayuhang koponan na maaaring sumali sa ikalawang kumperensya ng susunod na season, na magiging Commissioner’s Cup.
“May kausap na kami na baka may guest team tayo sa second conference. Tingnan natin. Nag-uusap pa,” ani Marcial sabay hirit na wala pang kontretong detalye kaugnay sa guest team.
“May proposal din na baka mag-two imports. Baka lang. Depende ‘pag sumali ‘yung guest team, baka mag-two imports tayo,” dagdag nito.
Aayusin din ang kalendaryo ng liga para umangkop sa paparating na FIBA windows at para mapaghandaan ang ika-50 season ng liga.
Para sa susunod na season, magbubukas ang PBA sa import-laden Governors’ Cup sa kalagitnaan ng Agosto kung saan magkakaroon ng height limit na 6-foot-6 para sa mga import.
Magkakaroon din ito ng ibang format dahil hahatiin nito ang liga sa dalawang grupo kung saan ang isang koponan ay haharap sa iba pang mga koponan sa parehong pool ng dalawang beses, at isang beses laban sa mga koponan sa kabilang grupo.
Ang quarterfinals ay isang crossover best-of-five series, habang ang semis at finals ay magiging best-of-seven.
Sa ikalawang conference o’ ang Commissioner’s Cup, sinabi ni Marcial na bukas ang PBA Board sa walang height limit requirement para sa mga import.
“Pumayag na rin ang Board sa pino-propose ko na unlimited height ang Commissioner’s Cup sa second conference,” wika nito.
Magtatapos ang season sa Philippine Cup na kasabay ng anibersaryo ng liga sa Abril.
Ang mga format sa susunod na dalawang kumperensya ay mananatiling pareho.
Sinabi rin ni Marcial na sasali ang PBA sa East Asia Super League at inaasahang sasali sa FIBA Basketball Champions League Asia.