MANILA, Philippines – Kinumpirma ni PBA commissioner Willie Marcial na hindi na tuloy ang pagbenta ng prangkisa ng Terrafirma sa isang consortium na pinamumunuan ng Starhorse Shipping Lines, ngunit inihayag na nakikipag-usap na ang liga sa tatlong interesadong mamimili.
Sinabi ni Marcial na ang bentahan ng prangkisa ng Dyip, na unang inihayag noong Pebrero, ay hindi kailanman natapos dahil nabigo ang mga opisyal ng Starhorse na sumunod sa ilang mga kinakailangan na itinakda ng liga, karamihan sa aspetong pinansyal ng deal.
“Hindi sila (Starhorse) nakapag-comply on some requirements, especially doon sa financial side ng deal,” ani Marcial.
May mga ‘unmet requirements’ din sa magkahiwalay na negosasyon sa pagitan ng Starhorse at Terrafirma officials, dagdag ni Marcial.
Gayunpaman, sinabi ni Marcial na mabilis ang pag-move on ng PBA dahil nakikipag-usap na ito sa tatlong interesadong mamimili, kabilang ang dalawang kumpanya na nagpasa na ng Letters of Intent sa Commissioner’s Office.
Bumisita na rin sa opisina ng liga ang mga opisyal ng tatlong mamimili, dagdag ni Marcial.
“Nagpunta na sa opisina ang mga ‘yan,” ani Marcial pero tumanggi munang pangalanan ang mga pangalan ng kumpanya.