Home ENTERTAINMENT PBB, inireklamo; MTRCB, nagpatawag ng meeting!

PBB, inireklamo; MTRCB, nagpatawag ng meeting!

292
0

Manila, Philippines – Nakipagpulong ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong Huwebes, Disyembre 18, sa production team ng Pinoy Big Brother (PBB) upang talakayin ang mga reklamong natanggap ng Ahensiya mula sa publiko kaugnay ng ilang episodes ng programa.

Binigyang-diin ni Chairperson at CEO Lala Sotto na mahigpit na sinusubaybayan ng kabataang manonood ang mga kilos at gawain ng mga kalahok, at ang kanilang mga aksiyon at interaksiyon sa PBB ay may malaking impluwensya sa pananaw ng mga kabataan.

Iminungkahi ni Sotto sa produksiyon ang pagbalangkas ng isang Code of Ethics at protective guidelines upang mapangalagaan ang kababaihan at mga bata dahil ang mga kalahok ay malayo sa kanilang mga pamilya.

Inirekomenda rin ng Board na gamitin ang “authentic moments” bilang huwaran ng paggalang at positibong asal, at gawing makabuluhang aral ang mga ito para sa mga manonood.

Ibinahagi ng PBB team na tinutulungan nila ang mga babaing kalahok sa pagproseso ng kanilang emosyon at ginagabayan ang mga kalalakihang nasadlak sa problema.

Binigyang-diin din nila na walang puwang ang kawalan ng respeto sa loob ng Bahay ni Kuya, at patuloy nilang pinatitibay ang kultura ng paggalang, respeto at responsibilidad.

Kasama ni Sotto sa pulong sina  Board Members Eloisa Matias, Atty. Ricardo Salomon, Jr. at Atty. Pedro Cesar Gabriel Solidum.

Mula sa PBB ay sina Production Managers Kim Marquez at Legrand Tulod, legal counsel Bee Santos; at, mula sa ABS-CBN sina Producer Oliver Torres, Business Unit Head Marcus Vinuya at Corporate Counsel Allan Rafael. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here