MANILA, Philippines – TARGET ng national government ang mahigit sa 200,000 eligible high school students na tapusin ang kanilang edukasyon sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Presidential Scholars Program (BPPSP).
Sinabi ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinagawang orientation ng 105 Presidential Scholars mula 21 barangays sa Pinaglabanan Elementary School sa San Juan City.
Karamihan sa mga benepisaryo ay kasalukuyang nasa kanilang third at fourth years ng high school.
“Gagawin namin ito sa buong Pilipinas. Sa buong Pilipinas, over 200,000 of you will become Presidential Scholars, which is so important,” ayon sa Pangulo.
Sa nasabing orientation, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pag-invest sa mga kabataan, sabay sabing ang mga ‘future leaders’ ng bansa na sa kalaunan ay kukuha ng mga pangunahing tungkulin sa gobyerno, negosyo, edukasyon at iba pang sektor.
Hinikayat din niya ang mga iskolar na sulitin ang oportunidad, inilarawan ang edukasyon bilang pangmatagalang kayamanan na hinding-hindi maaalis.
“Ang edukasyon ay biyaya — it is a treasure. It is a wealth that you will never lose ever until the day you die,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.
Binigyang diin ng Pangulo na ang de-kalidad na edukasyon ay hindi lamang para paghusayin ang buhay ng isang indibiduwal kundi mapakikinabangan ng pamilya, komunidad at bansa sa kabuuan.
“Mag-aral kayo nang mabuti, pagtiyagaan ninyo talaga dahil ito ay kayamanan na maibibigay namin sa inyo,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng BPPPS, ang bawat magpapartisipang barangay ay makatatanggap ng P100,000 na pagpopondo sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund (SCF). Ang bawat barangay ay maaaring makapagbigay ng suporta sa limang iskolar, kung saan ang bawat benepisaryo ay makatatanggap ng P20,000 one-time educational assistance. KRIS JOSE