Manila, Philippines – MULI ay sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bahala na ang Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Bahala na aniya ang Senado at Kongreso na tugunan ang bagay na ito, binigyang-diin na wala siyang balak makisawsaw at lumahok sa mga paglilitis.
Sa isang media interview kasunod ng 46th ASEAN Summit sa Malaysia, Martes ng gabi, idinagdag ng Pangulo na palagi niyang binibigyang-diin ang kanyang posisyon laban sa pagsusulong sa anumang impeachment.
“How many times do I have to say that? I didn’t want impeachment,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Winika pa ng Pangulo na ang impeachment complaints ay sinimulan ng mga grupong hindi kakampi ng administrasyon.
“Lahat ng kakampi ko sa Kongreso hindi nag-file ng impeachment complaint. ‘Yung mga nag-file ng impeachment complaint, hindi mo masasabing kaya kong utusan o pagsabihan na ito ‘yung gagawin mo,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“So, why do I have to keep explaining that I didn’t want impeachment?” aniya pa rin.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na ang impeachment process ay bumagsak sa ilalim ng hurisdiksyon ng Kongreso, habang ang Senado naman ay umaakto bilang impeachment court at ang Kongreso ang nagsisilbing prosecution panel.
Ang Office of the President (OP) ay bahagi ng executive branch, habang ang Senado at Kongreso ay kapwa nabibilang sa lehislaturang sangay ng pamahalaan, kapwa ay co-equal sa ilalim ng Saligang Batas.
“They (Congress) will have to decide between the two Houses how they are going to conduct this,” ayon kay Pangulong Marcos, inalala niya noong siya ay senador sa panahon ng impeachment trial ng namayapang Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong 2012.
“We were making rules as we went along. And I think that’s what will happen here, too. So, we’ll see what happens,” ang sinabi ni Pangulong Marcos. Kris Jose